NOONG nakaraang Huwebes, nanghuli ang Makati Public Safety Department (MPSA) sa kahabaan ng Mola Street at Pasong Tirad Street kung saan nilagyan ng wheel clamp ang mga sasakyang naka-parking sa tabi ng kalsada.
Bagamat maraming sasakyan ang nabiktima ng paglalagay ng wheel clamp, kapansin-pansin na ang tanging pinaglalagyan ng wheel boot ay ang mga sasakyan na nasa tapat at palibot lamang ng MRP Building.
Hindi naman hinuli at nilagyan ng wheel clamp ang mga sasakyang nasa bungad lamang ng Mola Street, malapit sa tapat ng supermarket at sa Metropolitan Avenue.
Bukod sa mga kotse, hindi nakaligtas sa wheel clamp ng MAPSA ang mga tricycle at jeepney na malapit sa MRP Building.
Aabot sa P2,500 ang multa sa mga sasakyang nahuli dahil sa illegal parking.
Wala namang kumukuwestiyon sa kampanya ng MAPSA na hulihin ang mga lumalabag sa illegal parking, ang masama lamang, namimili ng huhulihin ang mga Makati traffic enforcers.
Kung gusto ng MAPSA na talagang luminis ang kalsada sa Makati, dapat ay lagyan lahat ng wheel clamp ang lahat ng nakaparada sa lahat ng kalsada.
Ginawa rin ang panghuhuli ng MAPSA ilang araw matapos namang magsagawa ng pag-iikot sa lugar si Makati Mayor Abby Binay.
May quota rin ang mga miyembro ng MAPSA kayat masigasig ang mga ito sa panghuhuli ng mga nakaparada sa kalsada.
Pabor naman ang lahat na malinis ang kalye para lumuwag ang kalsada sa trapik.
Tiyakin lamang ng MAPSA na ipinatutupad ang batas para sa lahat at hindi lamang sa mga natitipuhan.
Mga miyembro ng MAPSA, hoy gising!