Payo ni Kris kina Joshua at Julia: Mas ok na ang pagod kesa nganga

MARAMING natutunan tungkol sa buhay-buhay ang reel and real partners na sina Joshua Garcia at Julia Barretto kay Social Media Queen Kris Aquino habang ginagawa nila ang pelikulang “I Love You, Hater.”

Nakausap namin ang tambalang JoshLia kahapon sa blogcon ng “I Love You Hater” at dito nga nila sinabi na lagi silang pinapayuhan ni Kris para magtagal pa sa showbiz at kung paano mahalin ang kanilang mga supporters.

Isa sa mga laging ina-advice sa kanila ni Tetay ay huwag na huwag pababayaan ang kanilang kalusugan kahit na marami silang trabaho.

“Si Tita Kris kasi, nakikita niya kami na nagse-segue-segue sa work. She always reminds us na to really be careful, huwag isa-sacrifice ang health kasi sisingilin ka talaga when the time comes. Gina-guide din niya kami kapag nasa set na, kapag take na,” sey ni Julia.

Dugtong pa niya, “Pero si Josh talaga ‘yung pinapayuhan niya, lalo na sa mga interview, kung paano sasagot, kung paano ‘yung tamanang paghara sa press. Ikaw nga ang mag-explain,” ani Julia sabay pasa ng microphone sa ka-loveteam.

“Kapag kausap namin si tita Kris, marami siyang ina-advice, kasama na po ‘yung sa personal life, sa trabaho,” sabi ng binata. May isang advice raw si Kris na hindi niya malilimutan pero humingi siya ng tulong kay Julia kung paano ito ie-explain.

Pahayag ng dalaga, “Lagi niyang sinasabi sa amin na hangga’t nandito pa kami, dapat maging open kami sa lahat ng opportunities, and do good na, work hard na. Kumbaga, strike while the iron is hot. So, it’s better to be busy and tired and walang tulog, kesa sa walang ginagawa.”

In fairness, napakalakas talaga ng magic at chemistry ng dalawang bagets na ito. Sa simpleng kulitan at batuhan nila ng punchlines ay talagang kikiligin ka na. Hindi kasi pilit ang pagiging sweet nila at hindi rin peke ang pagmamahal nila sa isa’t isa kaya ramdam ng madlang pipol ang kanilang pagiging totoo.

Anyway, excited na rin sina Joshua at Julia sa nalalapit na showing ng “I Love You Hater” directed by Giselle Andres under Star Cinema. Gusto na nilang malaman kung ano ang magiging reaksyon ng madlang pipol sa bago nilang proyekto.

Ikinuwento nina Julia at Joshua na talagang nanonood sila ng kanilang mga pelikula sa iba’t ibang sinehan para makita nila nang personal ang reaksyon ng manonood.

Kaya kapag nanood kayo ng “ILYH” simula sa July 11, tingin-tingin at lingon-lingon din kayo pag may time dahil baka katabi n’yo na ang JoshLia.

Read more...