Ano’ng mangyayari sa Gilas?

TAPOS na ang haka-haka at hula-hula kung saan maglalaro si LeBron James sa susunod na NBA season. Nag-announce na siya na pipirma ng 4-year contract sa Los Angeles Lakers.

Ngayon, iba naman ang hinuhulaan at pinag-uusapan ng mga basketball fans.

Actually hindi lang tayo naghihintay kung ano ang mangyayari kundi pati ibang basketball fans sa iba’t-ibang panig ng daigdig.

Ang kuwestyon ay kung ano ang magiging desisyon ng FIBA tungkol sa nangyaring basketbrawl sa pagitan ng Gilas Pilipinas at Australia Boomers sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan noong Lunes ng gabi.

Ang larong iyon ay bahagi ng Asian qualifier para sa FIBA World Cup.

Ang nangyari nga ay hindi natapos ang laro dahil sa free-for-all na naganap sa third period na kung saan talo na tayo sa laro pero mainit pa rin sa loob.

Nagresulta ito sa pagkaka-eject sa siyam na Pinoy at apat na Australian.

Tatlo na lang ang natira sa Gilas para ipagpatuloy ang laro na hindi rin natapos dahil nag-foul out ‘yung dalawa.

Pinag-uusapan ng mga miron at ng mga fans kung sususpindihin ba ng FIBA ang mga players ng Pilipinas at Australia.

Babawiin ba ang hosting right na shared natin sa Japan at Indonesia para sa 2023 FIBA World Cup?
Sa ngayon, your guess is as good as mine.

Hintayin na lang natin ang desisyon.

Binagyo rin ng komento ang social media pagkatapos ng naturang basketbrawl. May mga nagsasabing nakakahiya raw ang nangyari at dapat mag-resign sa team ‘yung mga players at officials na involved.

‘Yung iba naman ay ipinagtanggol ang ginawa ng mga players na na-provoke lang daw ng mga “bully Aussies.”

Nagsimula raw kasi ang gulo sa pagtanggal ng mga Australyano ng “sponsor” stickers sa court the day bago maglaro.

Sinisisi naman ng ilan ang mga referees na hindi raw nakontrol ang laro at masasabi ko na definitely ay malaking factor ang bagay na ito sa pangyayari.

Kanya kanyang pananaw iyan sa isang hindi kaaya-ayang insidente pero natutuwa naman ako na halos lahat sila, sa mga Pinoy ang ibig kong sabihin, ay nag-post ng kani-kanilang apology sa social media.

Nangangahulugan na tanggap naman nila ang kanilang pagkakamali at nakisawsaw nga ako at sabi ko ay naiintindihan ko ang pangyayari na emosyon ang nanaig sa mga players at officials. Hindi ko ibig sabihin na tama ang naging reaksyon dahil nga sila na rin mismo ang nagsabi na mali ang nagawa nila.

Tama si Chot Reyes sa sinabi niya na karamihan sa nagba-bash sa kanila ay hindi alam ang buong pangyayari at kung sila ay nasa kalagayan ng mga Gilas players ay mas maiintindihan nila kung bakit nagkaganoon ang sitwasyon.

Sabi ko rin na depende kung nasaan kang panig. May kanya kanyang bersyon ng tama at mali. Kung teammate mo nga naman ay makita mo na harap harapang tinira, hindi ka nga ba magre-react?

Sa social media kasi talaga naman maraming armchair experts o mga Monday quarterbacks na nagmamarunong kung ano ang dapat gawin.

Madali iyon dahil hindi naman sila involved at marami nga ang nag-aaway na rin sa social media sa palitan ng mga kuro-kuro sa pangyayari.

Tigilan na nga raw natin ang ambisyon natin sa basketball dahil hindi naman ito para sa Pinoy lalo na kung Olympics o World Championships ang pinag-uusapan.

Pero ano nga ba ang magagawa natin e talagang nasa dugo, nasa isip at nasa puso natin ang basketball.

Passion ito ng maraming Pinoy. Sana lang ay matuto ang lahat na irespeto at igalang ang opinyon ng iba.

‘Yun lang.

Read more...