TUMAAS ang presyo ng kuryente ng Manila Electric Company ngayong buwan.
Ayon sa Meralco tataas ang singil ng P0.3136 kada kilo Watt hour o P63 sa kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.
Mula sa P9.8789 kada kiloWatt hour ang singil ay magiging P10.1925/kWh.
Ang pagtaas ng singil ay bunsod ng pagtaas sa P0.2823 kada kWh sa generation charge. Mula sa P4.9828/kWh noong Hunyo ang generation charge ay tumaas sa P5.2652/kWh.
Tumaas umano ang singil ng Independent Power Producers ng P0.3573/kWh dahil sa paghina ng piso kontra dolyar. 38 porsyento ng kuryente na isinusuplay ng Meralco ay galing sa IPP.
Tumaas din ang presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market ng P0.7039/kWh. Dito kinukuha ng Meralco ang 13 porsyento ng kailangan nitong suplay.
Ang paghina ng piso kontra dolyar ay nagresulta rin sa pagtaas ng P0.1513/kWh sa kuryente mula sa Power Supply Agreements.
Hindi naman nagbago ang transmission charge pero tumaas ng buwis at iba pang sinisingil ng Meralco ng P0.0309/kWh.