SA isang meeting ng mga namamahala sa isang variety show ay nalaglag ang pangalan ng isang female performer habang pumipili sila ng mga bagong magiging hurado sa malawakan nilang singing contest.
May pangalan na ang babaeng singer, kilalang-kilala na siya, napakarami na niyang nagagawang concerts at albums na puro matatagumpay pero bakit kaya kumontra ang mga nandu’n para gawin siyang judge sa labanan?
May mga sumang-ayon, pero mas marami ang tumanggi, kasi nga ay hindi naniniwala ang mga ‘yun na kayang maging hurado ng kilalang female performer.
Kuwento ng aming source, “Sa totoo lang matagal na kasing kumakalat ang kuwento na hindi naman siya ang kumakanta kapag sobrang taas na ang tono ng mga songs niya, meron daw mga singers sa backstage na kumakanta para sa kanya!
“Ang tagal-tagal na ng kuwentong ‘yun, kasi nga, kapag kumakanta naman siya nang live, e, hindi ganu’n kataas ang boses niya! May double kuno siya, may mystery singer sa likod!
“Kaboses niya ang double, magkadikit ang timbre ng voice nila, hindi mo talaga mahahalata na hindi siya ang kumakanta. ‘Yun ang belief ng mga nakakaalam ng kuwento tungkol sa female singer,” simulang chika ng aming source.
Hindi siya mabenta sa pagiging hurado kahit pa may pangalan naman siya, malaki ang naging epekto sa kanya ng mga kuwentong kumalat na may nagboboses para sa kanya kapag may concert siya, sa totoo lang.
“Mismo! Nandiyan naman siya, wala naman siyang ginagawang show, nagpo-produce na nga lang siya ng mga shows ng mga kasamahan niyang singers, di ba? Kailangan niya ng exposure, kung tutuusin, pero walang kumukuha sa kanya para maging hurado!
“Ano raw naman kasi ang sasabihin niya kapag nagdya-judge na siya, e, parang wala naman siyang alam tungkol sa mga qualities ng boses na dapat niyang husgahan?
“Ayun, kaya kapag nagpipilian na ang mga production staff ng kung sinu-sino ang mauupong hurado, ligwak ang name ng female singer, waley!
“Sayang naman ang title na hawak niya sa concert scene, di ba, kung ganyan na hindi naman pala pinaniniwalaan ng marami ang voice niya.
“Ano, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, mauupo kaya kayo ngayon sa Row 4 na katabi ang mabahong basurahan sa panghuhula kung sino siya?” pagtatapos ng aming impormante.
Pasok!