Si Binibining Joyce Bernal pala ang magdidirek ng susunod na SONA ni Presidente Rodrigo Duterte na gaganapin sa Hulyo 23.
Hmmm, hindi lang pala pang-romcom si direk Joyce, pang pulitika na rin pala siya.
Anyway, ayon kay direk Joyce ay hindi pa nagpapatawag ng meeting ang kampo ni Presidente Duterte kaya wala pa siyang maikukuwento sa amin tungkol sa mga mangyayari sa SONA.
Maraming pinagkakaabalahan ngayon ang direktora at sa pagkakaalam namin ay nasa post-production na ang latest movie niyang “Miss Granny” na pinagbibidahan nina Sarah Geronimo, Xian Lim at James Reid mula sa Viva Films.
“Nag-last day ako ng’ Miss Granny’ last June 25, gumagawa na ako ngayon ng trailer para matapos na bago ako lumipad for Marawi City,” sabi sa amin.
Sa huling linggo ng Agosto pa naman daw ang showing ng “Miss Granny” pero inaayos na lahat ngayon ng direktora ang lahat para pagbalik niya mula sa Mindanao ay plantsado na lahat.
Kailan ba sila magsu-shoot para sa Marawi movie, “Hindi ko alam ang exact date pero anytime soon lilipad na kami, inaayos pa mga schedule ng artista kasi hindi namin alam kung available pa silang lahat kasi ang tagal na naming inalok ito sa kanila, almost a year na, baka tumanggap na sila ng iba.
“Confirmed actors ko sina Robin (Padilla), Piolo (Pascual), babalikan ko pa sina Ronnie Lazaro at Jasmine Curtis kung available pa sila. Marami pa, mga indie actors,” ani Direk Joyce.
Hindi raw locked-in ang mga artista sa Marawi dahil delikado pa rin doon, “Iyon sana ang plano namin pero hindi pala puwede kasi sensitive pa rin ‘yung place, sabi mismo ng AFP kaya magsu-shoot kami kung kailan safe. Kaya putol-putol (shooting),” paliwanag ni direk Joyce sa amin.