MOVE on na tayo mga kasangga.
Tapos na ang bakbakan at isa lang ang malinaw. Hindi lang simpling bundok kundi Mt. Everest ang aakyatin ng Gilas Pilipinas upang manaig laban sa mga naglalakihang pangalan sa mundo ng basketbol.
Napanood natin kung paano dominahin ng Australia ang Pilipinas sa FIBA World Qualifier noong Lunes sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan. At kung sisipatin mo ay hindi naman talaga bigatin ang Australia sa pandaigdigang basketbol.
Ngunit napanood din natin kung paano lumaban at ipagtanggol ng mga nasyonal ang kanilang puri kung ito ay nababahiran na ng pang-aalispusta.
Ang masaklap nga lang tambak na tayo sa laro nang sumiklab ang gulo na sinilaban ni Daniel Kickert matapos niyang sikuhin sa panga si Roger Pogoy, 4:01 nalalabi sa third quarter.
Siyempre pa, sumabog na parang bulkan ang damdamin ng mga manlalaro. Kung pagbabatayan ang desisyon ng mga reperi at opisyal, mas malaki ang kasalanan ng Gilas sapagkat sa 13 manlalarong napatalsik ay siyam ang mula sa Gilas.
Tanging sina June Mar Fajardo, Gabe Norwood at Baser Amer ang natira sa koponan.
Resulta: Nagwagi ang Australia sa ikalawang sunod pagkakataon kontra Gilas, 89-53.
Ngunit hindi libre ang Australia sa kasalanan. Hindi rin malinis ang laro ng mga dayuhan at ayon sa mga tagaloob ay nagbitiw ng mga salitang masakit sa tenga ang mga Australyano.
Isa lang naman ang masasabi ko, kung maggiging ‘‘wild’’ at tila ‘‘raging bull’’ si Jason Castro na kilala sa kanyang sportsmanship ay siguradong may ginawang hindi kaaya-aya ang Australia.
Ganunpaman, masakit sa matang panoorin ang nangyari. Hiling ko lang sa mga nagkukunwang magagaling, tigilan na ang puna at mga obserbasyon sapagkat hindi naman kayo nakipagpalitan ng siko, nakipagbanggan ng katawan at nakipagpalitan ng mukha.
Hindi natatapos ang buhay matapos tayong ‘‘gulpihin’’ ng Australia sa basketbol. Nabugbog man ang Pilipinas sa laro ngunit ‘‘nagulpi’’ naman natin sila sa ibang paraan. Nyahahahaha!
GAB at e-sports
Salamat sa mabilis na pagkilos ng Games and Amusement Board (GAB) sa pamumuno ni GAB Chairman Abraham Kahlil ‘Baham’ Mitra, kasama sina Commissioners Eduard Trinidad at Mar Masanguid, lehitimong propesyonal isports na ang e-sports (electronic sports) sa bansa at kauna-unahan sa Asia.
Malaking bagay ito sapagkat mabibigyan ng proteksyon ang mga atleta at nag-oorganisa ng e-sports.
“This new endeavour is GAB’s effort to promote responsible gaming,” sabi ni Mitra, dating Palawan Governor at two-time member ng House of the Representatives.
“E-Sports is here to stay. It is part of technological evolution and a reality that has evolved into a new kind of sport, not only in our country but in the other parts of the world as well,” aniya.
Sinabi ni Mitra na malaking tulong ang e-sports tournament hindi lamang sa aspeto ng turismo dahil sa pagdagsa ng foreign players, bagkus ang dagdag na revenue shares para sa pamahalaan, sa pamamagitan nang mas maraming lisensiya at permit na aaprubahan ng GAB.
Ayon kay Mitra, nagsimulang i-sanctioned ng GAB ang E-Sports may isang taon na ang nakalilipas. Sa unang anim na buwan, pitong E-Sports game, kabilang ang Galaxy Battles 2 ang isinagawa sa bansa.
“Likewise, in the 3rd and 4th quarters of 2017, 107 professional E-sport athletes were licensed by the Board. These permits and licenses brought in a total of P92,340.00 additional revenue for the government for 2017 alone,” pahayag ni Mitra.
Siklab Awards panalo
Masigabong palakpakan sa PSC-POC Media Group na pinamumunuan ng kabagang natin na si June Navarro ng Philippine Daily Inquirer.
Nakatitiyak akong magbibigay-inspirasyon sa mga batang atleta ang mga papuring kanilang tinanggap upang lalo pang ipagpatuloy ang kanilang pangarap.
Malaking tulong din sa tagumpay ng gabi ng parangal sa Century Park Sheraton Hotel ang suporta ng mga isponsor tulad ng Phoenix.
Gilas: Panalo sa puso, talo sa laro
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...