INABANGAN talaga namin ang episode ni Long Mejia sa MMK. Magaling kasing magdrama ang mga komedyante, mapuso ang kanilang pagganap, nanunuot sa puso ng manonood.
Magaling na komedyante si Long Mejia, isa siya sa iilang nagpapatawang personalidad na kuhang-kuha kami, wala kasing ka-effort-effort si Long kapag nagbibitiw ng kanyang mga linya.
At hindi kami binigo ni Long at ng gumanap niyang anak na si Jairus Aquino. Hinding-hindi namin makakalimutan si Jairus na gumanap na kaibigan ni Makisig Morales sa seryeng pinagbidahan nito.
Magaling ang child actor, hindi rin kalimut-limot ang kanyang linyang “Sana, nakalilipad din ako, susunduin ko ang nanay ko na nagtatrabaho sa ibang bansa at ilang taon ko nang hindi nakikita,” grabe ang pagluha ng buong bayan sa eksenang ‘yun ni Jairus.
Sila ang gumanap na mag-ama sa MMK. Nakatira sila sa Luneta, palabuy-laboy, walang direksiyon ang buhay dahil walang-wala si Long.
Mapuso ang eksena ng kanilang komprontasyon. Sinumbatan ng anak ang kanyang ama, ang kanyang sabi, “Sabi n’yo, titira tayo sa isang malaking bahay. Pero wala naman palang bubong at dingding.”
Du’n na nagpakita ng husay niya sa pagdadrama si Long Mejia, napakanatural ng kanyang pag-arte, mula sa puso ang mga binibitiwan niyang dayalog.
Sana’y mabigyan pa si Long Mejia ng mga proyektong pagdadrama ang kanyang tututukan. Wala na siyang kailangang patunayan bilang komedyante, ang galing-galing na niya, kaya kailangan niya namang ipakita sa publiko ang husay niya sa pagdadrama.