Idineklarang patay sa ospital si Mayor Antonio Halili, na kamakailan lang ay naging laman ng balita dahil sa pagpaparada ng mga nahuhuling drug suspect at minsa’y isinangkot para sa diumano’y kinalaman din sa iligal na droga.
Naganap ang pamamaril sa Tanauan City Hall, na nasa Brgy. Natatas, dakong alas-8:10.
Dumadalo si Halili sa flag-raising ceremony, nang barilin sa dibdib ng di pa kilalang lalaki, sabi ni Supt. Chitadel Gaoiran, tagapagsalita ng Calabarzon regional police.
Itinakbo pa ang alkalde sa C.P. Reyes Medical Center, ngunit idineklarang patay alas-8:45, aniya.
Inaalam pa ang pagkakakilanan, kinaroroonan, at motibo ng salarin.
Naglunsad na ng “iron curtain” ang pulisya para maharang at matunton ang gunman, ani Gaoiran.
Bumuo na rin ng special investigation task group para magsagawa ng malalim na pagsisiyasat sa pamamaslang, aniya.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may alkaldeng pinatay sa flag-raising ceremony.
Matatandaan na noong Abril 2014 ay napatay si Mayor Carlito Pentecostes ng Gonzaga, Cagayan, nang pagbabarilin ng mga armado sa flag-raising ceremony ng munisipyo.