NALIGAW na kami sa pagbibilang kung ilang ulit na nagpalit ng kanyang gown-costume si Vice Ganda nang ganapin ang grand finals ng Miss Q & A ng It’s Showtime nu’ng nakaraang Sabado.
Tuwing magkakaroon nang napakahabang commercial break ay iba na naman ang suot ni Vice, bonggang-bongga na naman, na kering-keri naman ng sikat na komedyante-TV host.
Sa totoo lang, pinaghandaan talaga ni Vice Ganda ang grand finals ng mga naggagandahang becki ng ating bayan, bilang banderada ng mga becki ay araw niya ‘yun.
Pakiramdam namin ay sa noontime show lang ng ABS-CBN nakatutok nu’ng Sabado ang ating mga kababayan, kinaaliwan naman kasi ng publiko ang kani-kanyang atake ng mga kalahok na becki, nakatutuwa ring maramdaman na binigyan ng pagpapahalaga ng noontime show ang grupo ng LGBT.
Bukod sa isang milyong papremyo na nakuha ng unang nakakuha ng titulo ng Miss Q & A ay maayos ang produksiyon, nagsunog ng kilay ang buong staff ng It’s Showtime para sa kanilang grand finals, pinagtrabahuhan talaga nila ang okasyon.
May mga inaasahang mananalo na umuwing luhaan, meron namang hindi inaasahan na nagtagumpay, pero ang pinakamahalaga ay binigyan ng pagpapahalaga ng noontime show ang mga becki sa sangkalupaan.