GINUNITA kahapon ang ikalawang taong anibersaryo ng panunungkulan ni Pangulong Duterte at kasabay nito ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Noong Huwebes, nagsara ang piso sa P53.515 kada $1. Ito na ang pinakamababa na naitala na huling naranasan noong Hunyo 29, 2006.
Bukod sa pagbaba ng piso, patuloy rin ang pagtaas ng preso ng mga bilihin, partikular ang halaga ng bigas, manok, baboy at maging presyo ng isda.
Nagiging dagdag pasakit pa ang implementasyon ng TRAIN law kung saan nagtaasan ang lahat ng presyo ng pangunahing bilihin.
Dahil umaaray na ang mga tao sa mahal na bilihin, nananawagan na ang iba’t ibang labor group na itaas ang arawang sweldo ng mga manggagawa.
Nauna nang tiniyak ng Malacanang na magpapalabas ng desisyon kaugnay ng umento sa sahod matapos namang atasan ang regional wage board na simulan na ang pagdinig sa mga petisyon para wage hike.
Base mismo sa pagtaya ng National Economic Development Authority (NEDA), kailangan ng isang pamilya ng kabuuang P42,000 kada buwan para mabuhay ng maayos.
Ito’y malayo sa kasalukuyang P512 arawang swedo o mahigit P12,000 lamang kada buwan.
Isinusulong ng Makabayan bloc ang P750 legislated wage increase bagamat ibinasura na ito ng Palasyo.
Iginiit ng Malacanang na ang mga regional wage board ang magdedesisyon kaugnay ng isyu sa umento sa sahod.
Sa harap ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, nakaamba rin ang pagtaas ng pamasahe sa public utility vehicles (PUVs).
Hindi tuloy maipagmamalaki ng gobyerno na gumanda ang buhay ng mga Pinoy makalipas ang dalawang taon ng panunungkulan ng administrasyon.
Sa ingay ng pulitika sa ating bansa, ang mas importante sa mga Pinoy ay kung ano ang malapit sa kanilang sikmura at kung paano sila mabubuhay sa araw-araw.