MALALIM na emosyon ang pinaghugutan ni Alden Richards sa kanyang bagong single na “I Will Be Here.”
Isa sa mga kantang lalabas sa kanyang upcoming album, ipinararating ng revival ang mensaheng may taong pwedeng maasahan sa kahit anong problema. Nakatulong ang malambing niyang boses na maiparating ang mensaheng ito.
“Minsan kasi, when realities are too painful to see or to encounter in real life, you tend to look away from it,” paliwanag ng Pambansang Bae.
Naiintindihan niyang may iba’t ibang pinagdaraanan ang mga tao, pero naniniwala rin siyang ang pagdamay ay walang pinipili. “The message of the song is offering a shoulder to cry on, or parang I’m here for this person, group of people, na maaaring may pinagdadaanan,” dagdag pa niya.
Sa paglabas ng “I Will Be Here,” ipinapangako niyang lagi siyang handang magpasaya ng mga taong nangangailangan, lalo na sa mga taong hindi tumigil sa pagsuporta sa kanya. Hiling din niyang mapagaan ng kanyang kanta ang loob ng mga taong may pinagdadaanan.
Maaaring i-download sa iTunes, Spotify, Amazon, at iba pang digital stores sa buong mundo ang “I Will Be Here” simula July 1.
Sa ganap na 4 p.m. ng parehong araw ay maaaring mapanood ang music video nito sa Daily Motion (https://www.dailymotion.com/ph) at kinabukasan naman sa opisyal na YouTube channel ng GMA Records (www.youtube.com/GMARecordsOfficial).