MAY mga malalim palang dahilan kung bakit lahat na lang halos ng mga nagaganap sa kanyang personal na buhay ay ipinangangalandakan ng isang kilalang female personality sa publiko.
Meron pala siyang gustong inisin at patamaan. Meron pala siyang mensaheng gustong makarating sa mga taong nu’n pa raw nangmamaliit sa kanya. Pakiramdam ng babaeng personalidad ay sa ganu’ng paraan lang siya makapaparehas sa mga taong napakaliit ng tingin sa kanya.
Kuwento ng aming source, “Ano pa ba naman ang kailangan niyang patunayan, meron pa ba? Natupad ang mga pangarap niya, kahit pa sobrang hinuhusgahan siya sa paraan kung paano siya naging successful.
“Kesehodang ginamit pa niya ang ganda at katawan niya, kahit pa may mga nagsasabing forever na lang siyang ganyan, ang totoo, e, nagtagumpay pa rin siya!” simulang chika ng aming impormante.
‘Yun ang dahilan kung bakit kung anu-ano ang ginagawa ng female personality ngayon. Inilalantad niya ang kanyang mga kayamanan, halos isubo na niya sa publiko ang mga ari-ariang meron siya, dahil meron siyang pinatatamaan.
“Nakararating kasi sa kanya ang mga salita ng mga taong hindi niya akalaing unang-una pang magbabagsak sa kanya. Ayaw niya namang harapin ang mga taong ‘yun dahil malaking waste of time lang daw ‘yun!
“So, para lalong mainis ang mga nagpapatutsada sa kanya, e, lalo niyang iniinis! Mamigay ka ba naman ng mga kagamitang branded na pinapangarap lang ng mga taong humuhusga sa kanya, di ba?
“Sabi siguro niya sa loob-loob niya, ‘O, palagi n’yo akong sinisiraan nang patalikod, lantaran ko kayong gagantihan! Mamatay kayo sa inggit!’
“Malalim ang dahilan ng mga ginagawa niya, sobra na raw kasi siyang nasasaktan sa masasakit na salitang nakararating sa kanya. At hindi niya akalain na ang mga pamimintas na ‘yun, e, galing pa sa mismong mga kadugo niya!
“Kaya ayun, lalo niyang iniinis ang mga kumakalaban sa kanya. Pati ang laman ng mga cabinets niya, ng refrigerator niya, e, ipinagbabanduhan na niya sa publiko!” nakairap na pagtatapos ng aming source.
Naku naman, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, mauupo pa ba kayo n’yan sa Row 4 na katabi ang mabahong basurahan?