KILALANG magaling na komedyante si Long Mejia, pero pasado kaya ang unang pagbibida niya ngayong gabi sa longest-running drama anthology sa Asya na Maalaala Mo Kaya?
Gagampanan ni Long ang karakter ng isang amang bagama’t salat sa buhay ay gagawin ang lahat mabigyan lang ng magandang kinabukasan ang anak.
Magiging palaboy si Modesto (Long), kasama ang anak na si Dick (Jairus Aquino), matapos iwan ang asawang lulong sa sugal. Sa Luneta Park sa Maynila sila titira, ito ang magiging saksi sa lahat ng sakripisyo at paghihirap na daranasin ng mag-ama, mula sa pagtulog sa kalye, hanggang sa panlilimos ng tulong sa mga tao.
Kahit na nakatira sa lansangan, pipilitin ni Modesto na matustusan ang pag-aaral ng anak sa pamamagitan ng pagkakarpintero.
Pagsisikapan naman ni Dick na mag-aral nang mabuti, kahit na hindi ito madali, para matupad ang pangarap niyang makapagtapos ng pag-aaral at mabigyan ng magandang buhay ang ama.
Sa dinaranas na matinding hirap at sakripisyo, makakamit pa kaya ni Dick ang pangarap na makapagtapos? Maisakatuparan kaya niya ang pagbibigay ng magandang buhay sa ama?
Panoorin ang kanilang nakakaantig pusong kwento ng sakripisyo at tagumpay ngayong Sabado ng gabi sa MMK hosted by Charo Santos.
Kasama rin sa episode na ito sina Yñigo Delen, Lance Lucido, Yesha Camile, Maricel Morales at Luis Hontiveros, sa direksyon ni Dado Lumibao at sa panulat ni Joan Habana.