HINDI lahat ng ahensiya ng gobyerno ay walang silbi at feeling mo, hindi ginagawa ang kanilang tungkulin at trabaho.
Minsan, depende rin ‘yan sa kung sino ang namumuno sa naturang ahensiya.
Tingnan na lang natin itong Games and Amusement Board (GAB).
Kahit hindi gaanong nailalathala sa pahayagan ang kanilang ginagawa ay patuloy pa rin sila sa pagtupad ng kanilang trabaho sa pangunguna siyempre ni chairman Abraham Kahlil “Baham” Mitra.
Mula nang maupo siya sa tungkuling ito noong Hulyo 2016 ay marami na siyang inayos na panuntunan ng ahensiya at ipinatutupad na programa.
At dahil dito ay hindi katakatakang umangat din ang kita ng GAB kumpara sa mga nakalipas na taon.
Sa unang limang buwan ng 2018 (mula Enero hanggang Mayo) ay nakalikom na ang GAB ng revenue na P15,169,812.94. Mas malaki ito sa kinita ng ahensya sa parehong period noong isang taon na P10,682,255.08. Bale 42% ang itinaas nito.
Kung ikukumpara naman ang kinita ng GAB noong 2016 sa taong 2017 ay tumaas din ito ng 44.21%.
Ang GAB, na isang regulatory body ng propesyonal na sports sa bansa sa ilalim ng Office of the President, ay may kabuuang kita na P17,415,753 sa 2016 at umangat ito sa P25,115,727.81 sa 2017.
Malaking bahagi ng revenue ng GAB ay mula sa “Sports Supervision and Regulation.” Dito kasi kumukuha ng lisensiya ang mga professional players ng basketball, boxing, billiards at iba pa. Dito rin kumukuha ng permit ang mga organizers ng mga sports events na may mga nakalaang premyo sa mga atleta.
Ilan sa mga binigyan ng basbas ng GAB ay ang dalawang pro triathlon events sa bansa na Ironman Philippines sa Subic Bay at Xterra Asia-Pacific Championship na ginanap sa Danao, Cebu noong Abril at sa Legazpi City, Albay noong isang Linggo.
Extreme sports, di sanhi ng prostate illness
Speaking of triathlon, alam naman natin kung gaano ka-extreme ang sport na ito na may tatlong disiplina: swimming, biking at running.
Kung hiwa-hiwalay mo ngang gagawin ang tatlong sport na ito ay mahirap na, lalo pa kung pagsasamahin sila sa isang endurance event, di ba?
May mga nakausap akong atleta na may pangamba na pumasok sa mga extreme sports. Sabi niya, ito raw ang isa sa mga sanhi ng prostate illness.
Well, pinabulaanan ito ni Dr. Marie Carmela M. Lapitan, GSK Area Medical Expert.
Aniya, ang haka-haka na ang labis na pagsabak sa mabibigat na sports tulad ng triathlon, horseback riding, cycling, weightlifting, wrestling at iba pang contact sports ang dahilan ng sakit na Benign Prostatic Hyperplasia (BPH) o pamamaga ng prostate ng kalalakihan.
“There is no medical basis for this. Engaging in activities like biking, horsebike riding or other extreme sports has no direct effect in developing BPH,” sabi ni Lapitan.
Aniya, nade-develop ang BPH sa panahon na dumarating ang kalalakihan sa edad na 50 dulot nang pagtaas ng testosterone na siyang tumutulong sa pag-develop ng reproductive tissue sa kalalakihan.
“Every man at the prime of his life deserves a life where he can enjoy the things that he loves to do—such as trips with his family and sports like biking and hiking—without any hindrances and discomforts caused by BPH,” aniya.
Hindi nakamamatay na sakit na BPH, ngunit, importanteng maabatan ito para makaiwas sa komplikasyon at makapamuhay ang kalalakihan ng maayos, maginhawa at malusog kasama ang pamilya.
Bilang pagtalima, isinusulong ng GlaxoSmithKline Philippines (GSK), nangungunang healthcare company sa mundo, ang awareness campaign sa pamamagitan ng slogan na “FUN to be WISE on BPH”.
“24% of Filipino men aged 50-59 suffer from BPH with at least moderate symptoms,” pahayag ni Dr. Jay Javier, GSK Medical Affairs for Urology.
Ayon kay Javier, madaling makitaan ng sintomas ang BPH kung kaya’t walang dahilan para hindi matugunan ang pangangailangan na magamot at malunasan ng maaga.
“If untreated, BPH can also lead to Acute Urinary Retention (AUR) and may require surgery,” aniya.
Iginiit ni Javier, na madaling makita ang sintomas ng BPH. At batay sa pag-aaral ng International Prostate Symptom Score, madaling matugunan ang naturang karamdaman.
“Kung madalas kang naiihi at pakiramdam mo naiihi ka kahit katatapos mo pa lang, kaagad na magpakunsulta sa doktor,’’ dagdag pa ni Javier.