LAST week, inihayag ni Land Transportation Office Chief Asst. Secretary Adgar Galvante na sisimulan na nila ang pagpapalabas ng mga plate numbers ng mga kotseng inirehistro mula July 1, 2016 hanggang October 31, 2016.
Ito ay matapos na makagawa ang kanilang bagong plate stamping machines ng mahigit 300,000 license plates simula nang kanila itong mabili may dalawang buwan na ang nakakaraan.
Ang stamping machines na ito ay kayang gumawa ng 8,000 pares o 4,000 set ng vehicles plates sa isang araw kung kaya’t inaasahan ni Galvante na maibibigay na nila ang mga plaka ng mga kotseng sobrang tagal nang naghihintay.
Simula July 1, 2018 ay magsisimula na umano magtawag ang mga dealers ng mga kotse upang tulungan ang mga LTO district offices na ipaalam kung available na ang plaka ng mga kliyente nila.
Mahigpit na bilin ni Galvante na huwag na huwag magbibigay ng dagdag na bayad sa kahit kanino man dahil bayad na ang mga plakang ito at ang pagdeliver ay isang dagdag serbisyo na lamang ng LTO dahil matagal naghintay ang mga may-ari ng kotse.
Tanging plaka lamang ng mga motorsiklo ang hindi pa nila ginagawa dahil sa panukalang batas sa Kongreso na naglalayong palitan ang itsura ng mga motrorcyle plates.
Sa loob ng anim na taon ng administrasyon ni Pangulong Aquino at ng bata niyang si Jun Abaya, walang nagawa ang mga ito na solusyonan ang problema ng plate numbers.
Sa katotohanan, sinisisi pa nila ang mamamayan dahil bakit daw nagmamadali ang mga ito na makuha ang mga license plates na binayaran naman na nila.
Yun pala ay kaya ng simpleng pagbili ng mga stamping machines na gawan ng solusyon ang problema. Solusyong pangmatagalan, dahil ang pamahalaan na ang gagawa ng plaka at hindi na kailangang i-asa pa sa kung sinong kontratista.
Ngayon, ayon kay Galvante, may halos 13 milyong mga sasakyan pa ang kanilang kailangang pag-isipan, dahil inaasahan nila na baka hindi i-atras ng COA ang notice of disallowance na ibinaba nito sa nakaraang admninistrasyon ng LTO.
Kapag nangyari ito, bibigat ang load ng kasalukuyang mga makina na gumagawa ng plaka na maaaring maging dahilan upang ma-delay na naman yung ibang matagal nang naghihintay.
Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com