Hollywood movie na ‘Adrift’ pinatunayan ang powers ng pag-ibig at tatag ng kalooban sa gitna ng trahedya

SAM CLAFIN AT SHAILEEN WOODLEY

KATATAGAN ng kalooban at kapangyarihan ng pag-ibig – ‘yan ang pinatunayan ng Hollywood movie na “Adrift”, handog ng VIVA International Pictures na hango sa libro at tunay na kwento ni Tami Oldham Ashcraft.

Magsisimula ang kuwento habang naglalayag ang magkasintahang Tami Oldham at Richard Sharp nang makasalubong nila ang Hurricane Raymond, isa sa pinakamapinsalang bagyo na naitala sa kasaysayan ng mundo.

Nang magkamalay si Tami, sirang-sira na ang kanilang bangka at hindi na niya makita si Richard. Sinubukan niyang magradyo para humingi ng tulong, at sa kabila ng matinding takot, nagawa niyang ayusin ang anumang makakaya sa sirang bangka.

Parang isang milagro, bigla niyang nakita si Richard na palutang-lutang at walang malay. Walang anumang tulong na maaasahan, kailangang si Tami mismo ang gumawa ng paraan para mailigtas ang sarili at ang lalaking pinakamamahal niya.

Si Tami ay ginagampanan ni Shailene Woodley (Divergent), habang si Richard naman ay ginagampanan ni Sam Claflin (The Hunger Games).

Ayon kay Aaron Kandell (Walt Disney’s Moana), isa sa mga screenwriters ng pelikulang ito, si Woodley mismo ang nasa isip nila ng kanyang kakambal na si Jordan habang sinusulat nila ang script. Nang bisitahin nila ang tunay na Tami sa kanyang tahanan sa San Juan Islands, nakita nila ang katatagan nito at ang pagiging positibo, na katangian din ni Woodley. Naging kaibigan nila ang aktres noong ginagawa niya ang pelikulang “The Descendants”.

Ayon kay Woodley, “I was so captivated by it, by who Tami is and the love story. I really felt the energy of the divine soulmate connection between Tami and her fiancée, Richard.” Dahil wala siyang karanasan sa paglalayag, pinag-aralan ito ni Woodley sa loob ng isang buwan sa Hawaii bago magsimula ang shooting ng pelikula.

Nakuha ni Claflin ang papel na Richard matapos nilang mag-usap sa telepono ng batikang director na si Baltasar Kormakur (Everest, The Oath). Agad nakumbinsi ang director na si Claflin ang pinakabagay na maging Richard.

Dalawang linggong nag-ensayo sina Woodley at Claflin sa Fiji bago magsimula ng produksyon.

“It was so helpful, we really just clicked,” kwento ni Woodley tungkol sa kanyang co-star na ayon sa kanya, “the hardest-working individual” na nakatrabaho niya. Dagdag pa ng aktres, “The elements that we were working in were not easy, shooting on a boat in open water for 14 hours. Never once did he complain.”

Sa kalagitnaan ng produksyon, bumisita si Tami sa set, at naramdaman ng buong cast ang kanyang pagtanggap sa pelikula. “It was amazing to meet her finally but also, I was hyper-aware of how emotional this experience must be for her, the trauma of being stuck out at sea. My prayer is that she has found healing as well through this experience,” ani Woodley.

“One of the first things she said to me was, ‘You remind me of him (Richard) so much,’ which was really a special moment for me,” kwento naman ni Claflin. “Having her seal of approval was so important.”
Ginawa ang “Adrift” sa loob ng 49 na araw, sa Fiji at sa New Zealand. Showing na ito ngayon sa mga sinehan nationwide.

Napanood na namin ang “Adrift” pero hindi namin ikukuwento ang highlights ng movie, lalo na ang ending nito. Basta ang masasabi lang namin, nag-enjoy kami mula simula hanggang katapusan ng pelikula.

Read more...