Mariel lumalaban ng kalokahan kina Vice at Anne
NAKAKAALIW pa rin ang mga atake ni Mariel Rodriguez. Kapag sumalang uli ang isang magaling nang host, ilang taon man ang kanyang pamamahinga ay parang walang pagbabago, nandu’n pa rin ang kanyang kuneksiyon sa publiko.
Parang hindi nga dumaan sa matinding adjustment si Mariel nang maging opisyal na miyembro na siya ng pamilya ng It’s Showtime, swak agad siya sa kanyang mga katrabaho, hindi siya nanganay.
Kunsabagay, sa kanyang pamamahinga naman para subaybayan-alagaan ang kanyang anak ay ang naturang noontime show ang kanyang tinututukan, alam na niya ang kalibre ng kanyang mga kapwa artista, lalo ang atake ng bumibidang si Vice Ganda.
Dalawa na silang sintunado ngayon ni Anne Curtis, nagpapaligsahan na sila sa paliku-likong pagkanta, sabi nga ni Vice ay mas masaya kapag mas marami ang kontra-alto sa kanilang programang pangtanghalian.
Hindi kinalawang ang hosting ni Mariel Rodriguez, nakikipagsabayan siya sa kanyang mga co-hosts, kahit ang kanyang ganda ay walang kakupas-kupas.
Sa unang araw ng pagre-report niya sa It’s Showtime ay naging emosyonal lang ang TV host, napanood niya kasi ang video ng paghahanap sa kanya ni Isabella, katok ito nang katok sa kuwarto nila ni Robin Padilla sa pag-aakalang natutulog lang siya.
Pero sanay na ngayon ang anak nila ni Binoe, lahat naman ng kanilang ginagawang pagsisikap ay para kay Isabella, kaya naiintindihan na ng bata kung bakit sila umaalis ng bahay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.