PALAGING paksa ng isang grupong nagtatrabaho sa isang malaking network ang isang sikat na male personality na napakadaling nakalimot sa kanila. Malalim na ang kanilang samahan, tumatakbo na ‘yun nang ilang dekada, pero napakadali silang kinalimutan ng aktor.
Bagets pa lang kasi siya ay sila-sila na ang magkakatrabaho, masasaya sila tuwing break, kaya akala ng tropa ay hindi ‘yun basta-basta maitatapon ng sikat na aktor.
Kuwento ng aming source, “Ewan kung ano ang pumasok sa utak ng lalaking ‘yun, basta na lang siya nawala, ni hindi man lang siya nagpaparamdam, basta para siyang aparisyon na bigla na lang siya nakalimot!
“Mula nu’ng magwala-walaan siya, e, panay-panay ang communication sa kanya ng buong tropa, pero kahit isa sa kanila, walang sinagot si ____ (pangalan ng sikat na male personality).
“Nakakapanibago nga naman ang ganu’n na dati, e, palagi silang magkakasama, kahit nga sa nomohan, sila-sila pa rin ang magkakawalwal! Tapos, sa isang iglap lang, e, ganyan na?
“Kinalimutan na lang sila ng kaibigan nilang dati, e, palagi nilang kasama, kausap, kasali sa kahit anong okasyon sa buhay nila!” simulang chika ng aming source.
Gasgas na kuno ang mga daliri ng tropa sa katatawag sa sikat na male personality, ringing naman ang kanyang telepono, pero ayaw silang sagutin.
“Ang text sigurong naipadala na nila sa friend nila, e, thousand na, pero wala talaga siyang planong makipag-usap, waley talaga! Ipinagtataka ‘yun siyempre ng mga kaibigan niya.
“Ano nga naman ‘yun, agad-agad, e, itatapon na lang ng male personality ang friendship nila na dekada na ang binibilang? May amnesia na siya?
“Isang friend nila ang nag-decide na huwag nang makibalita pa tungkol sa kanya, as in, sinabihan din niya ang tropa na tantanan na ang pagmamalasakit sa kaibigan nila, kaya wala nang nasasabik ngayon sa kanya!
“Sino kaya ang nagturo sa sikat na aktor na ‘yun na putulin na ang pakikipag-communicate sa mga kaibigan niya? Ang girl kayang nakalunok ng pakwan na karelasyon niya ngayon?” nakairap pang pagtatapos ng aming impormante.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kailangan n’yo pa ba ng clue? Waley na!