SANIB-PWERSA sa pagbibigay ng aliw at saya sa madlang people ngayong linggo ang parehong semifinals at grand finals ng “Miss Q & A” at nagbabalik na Tawag Ng Tanghalan sa It’s Showtime.
Kasalukuyang ginaganap ang isang linggong semifinals ng “Miss Q & A” kung saan tinatahak ng beki beauty queens ang mga huling hakbang para sa koronang inaasam nila.
Limang semifinalists ang naghaharap kada araw sa talakan at sagutan, at ang mananalo sa kanila ang siguradong may pwesto na sa grand finals na pinamagatang “Miss Q and A: The Final Answer… and I Thank You!” na gaganapin sa Resorts World Manila sa Sabado.
Sa ngayon, pasok na sina Lars Pacheco, Khei Parlaoan at Princess Khim Santillan sa grand finals. Makakatapat naman nila ang tatlong hall of famers na sina Juliana Parizcova Segovia, Matrica Matmat Centino at Rianne Azares – ang mga beauty queen na nagwagi na ng 10 korona sa daily round.
Bukod naman sa naturang anim na grand finalists, anim na lang din ang kailangang kunin mula sa semifinals para makumpleto ang listahan ng 12 grand finalists na magsasalpukan para sa titulong “Miss Q and A.”
Kung patapos naman ang beki beauty pageant na araw-araw na sinubaybayan ng bayan, nagbabalik din ngayong linggo ang labanan ng mga pangmalakasang boses tuwing tanghalian.
Sa ikatlong taon, muling susuyurin ng “Tawag Ng Tanghalan” ang pinakamagagaling na boses mula Metro Manila, Luzon, Visayas, at Mindanao upang hanapin ang susunog na singing superstar.
Siyempre, nandiyan pa rin ang mga kwela at witty Showtime hosts na sina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Amy Perez at ang nagbabalik-Kapamilya na si Mariel Rodriguez.