KAILAN kaya darating ang araw na wala na tayong maririnig na anumang pang-aabuso sa ating mga OFW lalo na sa mga nagtatrabaho sa bahagi ng Gitnang Silangan?
Sexual harassment ang reklamo ng isang Pinay OFW laban sa kanyang employer sa Saudi. Ayon sa isang alyas Andrea, sa pamamagitan ng video, sinabi niyang takot na takot siya sa kaniyang employer dahil sa ginawang panghihipo nito sa maseselang bahagi ng kaniyang katawan.
Nakarating sa kaniyang pamilya sa Pilipinas ang nangyaring ito kay Andrea, kung kaya’t humingi na rin sila ng tulong sa mga kinauukulan.
Nang malaman ng amo na nagsumbong siya at ikinuwento ang naturang pang-aabuso, nagalit ito at ibinenta ang OFW sa kaniyang kaibigan.
Agad namang nasaklolohan ang Pinay at dinala ito sa Riyadh Social Welfare ng Saudi.
Nang dahil sa power ng makabagong technology, kaagad naipaalam ng OFW ang sinapit mula sa mga kamay ng manyakis na amo. Dati-rati, walang mapagsumbungan ang ating mga OFW sa mga dinaranas nila sa loob ng tahanan ng kanilang mga mapang-abusong employer.
Naroong tinatakot na papatayin sila. Andon na nabubuhay sa abroad na may kaakibat na takot at parte na ang sexual harassment at iba pang pang-aabuso sa “normal” nilang pamumuhay.
Ang ganitong mga pang-aabuso ang siya ring nagdudulot ng matinding depression sa ating mga OFW – mapait na mga karanasang hindi nila masabi kahit kanino at sosolohin na lamang, titiisin, hanggang sa makauwi na lamang sila ng Pilipinas.
Sa Saudi pa rin, isang linggo pa lamang na nagtatrabaho ang isa pang OFW doon nang humingi ito ng tulong sa pamamagitan nang ginawa niyang video hinggil naman sa pagmamaltrato sa kanya ng amo.
Reklamo ng OFW, sa tuwing sasabihin niya sa kaniyang amo na sumasakit ang kaniyang tiyan, sasaktan siya at papaluin pa siya nito. Sinasabihan pa siyang umaaarte lamang at pinepeke ang nararamdamang sakit.
Nang magsumbong ang kaniyang mister sa recruitment agency na nagpaalis sa asawa, hindi ‘anya nila mapapabalik ang OFW hangga’t hindi nila binabayaran ang P100,000 na pinanggastos sa pagpapaalis sa kanyang misis.
Iyan ang tunay na mga kalagayang nagpapatuloy at dinaranas ng ating mga OFW. Buti na lamang may mga gadget silang nagagamit ngayon at sa tulong ng Internet ay madaling ma-broadcast ang kanilang mga dinaranas na kalagayan, kasabay ng mabilis na saklolo.
Ang ganitong mga kalagayan ng ating mga OFW na nagdudulot sa kanila ng matinding depresyon ay bigyang pokus din ng ating pamahalaan, lalo ngayon na naisabatas na ang Mental Health Law. Kailangan may mga programa rin ang pamahalaan para maabatan ang mental health ng mga OFWs na naabuso sa ibang bansa.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com