Army, PNP nagka-engkuwentro: 6 pulis patay, 9 sugatan

ANIM na pulis ang nasawi at siyam pa ang nasugatan nang aksidenteng makasagupa ang mga sundalo sa lalawigan ng Samar, Lunes ng umaga.

Nakilala ang mga nasawi bilang sina PO1 Wyndell Normor, PO1 Edwin Ebrado, PO1 Phil J Rey Mendigo, PO1 Julius Suarez, PO1 Rowel Reyes, at PO1 Julie Escalo, ayon sa inisyal na ulat ng Eastern Visayas regional police.

Ang siyam ay pawang mga miyembro ng 805th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion-8 (RMFB-8).

Sugatan naman sina PO1 Elmer Pan, PO1 Cris Angelo Pialago, PO1 Romulo Cordero, PO1 Jonel Gonzaga, PO1 Rey Barbosa, PO1 Roden Goden, PO1 Jaime Galoy, PO1 Romel Bagunas, at PO1 Janmark Adones.

Naganap ang insidente pasado alas-9.

Sa inisyal na ulat ng regional police, sinasabing nangyari ito sa Brgy. Sta. Rosa, Villareal, habang sa isa pang police report ay sinasabing naganap ito sa Sitio Lunoy, Brgy. San Roque, ng katabing bayan ng Sta. Rita.

Nagsasagawa ng combat operation ang mga miyembro ng RMFB-8 nang paputukan umano ng mga miyembro ng Army 87th Infantry Battalion, ayon sa mga ulat.

Iniimbestigahan pa ang insidente habang isinusulat ang istoryang ito.

Read more...