SA launching ng isang produktong ineendorso ni Robin Padilla ay natanong kung may plano rin ba siyang pasukin ang mundo ng politika dahil nga napakarami niyang tinutulungan, kabilang na ang mga kapatid nating Muslim.
Sabi nga para mas marami kang matulungan ay pumasok ka sa politika dahil may budget.
“Hindi talaga (ako tatakbo), maraming malulungkot kapag sinabi kong hindi. Hindi po talaga mga mahal kong kababayan hindi po talaga.
“Kasi, ang laki po ng gastos ko. Ang unang gastos ko po, ang mga anak ko ay nag-aaral sa ibang bansa, madaming tao pong umaasa sa akin, meron po akong mga foundation na sinusuportahan.
“Masarap pong pakinggan, senador, governor, mayor, congressman, masarap ‘yan. Kahit nga barangay captain masarap pakinggan, pero hindi po ako kikita riyan. ‘Yan po ang isang bagay na gagawin akong pulubi!” paliwanag pa ng mister ni Mariel Rodriguez.
Inamin ng aktor na marami nang nag-alok sa kanya na tumakbo, “Maraming nag-offer na po sa akin na tumakbo, hanggang Vice-President na-offer na sa akin, e, kahit saan ko po tingnan, hindi ako kikita. Ang suweldo ng senador ay maliit ‘yan, hindi naman ako kukuha ng allowance kasi ang allowance korupsyon ‘yun!”
Kung ikukumpara raw sa kinikita niya sa showbiz bilang artista ay di hamak na mas malaki kaysa sa kikitain niya kapag may posisyon siya sa gobyerno.
Nabanggit na wala naman siyang gagastusin kung sakaling kumandidato siya dahil may mga tulong siyang matatanggap pero inalmahan ito ni Binoe.
“Ayoko ‘yun dahil utang na loob ‘yun! Bakit ko papasukin ‘yun (politika), ang sarap ng buhay ko, wala akong boss. Nagagawa ko ‘yung gusto ko, kapag pinasok ko, didilaan mo ang puwet ng kung sinuman. Babae lang ang dinidilaan ko,” tumawang sabi ng aktor.
Samantala, malapit nang mag-shooting si Robin para sa pelikulang “Marawi” under Spring Films.