Binay tatangkain isalba ang bibitaying Pinay

AALIS ngayong araw si Vice President Jejomar Binay papuntang China upang personal na iabot sa mga opisyal ng bansa ang sulat ni Pangulong Aquino na umaapela sa nakatakdang pagbitay sa Pinay na nahatulan sa kasong drug trafficking.

Sa isang panayam sa government-run na Radyo ng Bayan, kinumpirma ni Binay na binigyan siya ng go-signal ni Aquino upang bumiyahe papuntang China. “Hindi naman kailangan ng clearance ‘yan, pupunta lamang tayo para tingnan natin kung paano (ang kalagayan ng ating kababayan na nakatakdang bitayin),” sabi ni Binay.

Sinabi pa ni Binay na nakatakda rin niyang kausapin kahapon ang pamilya ng Overseas Filipino Worker (OFW) na nahaharap sa bitay. “Hindi tayo pupunta sa kulungan. ‘Yung pamilya ang pupunta dun para makita ang ating kababayan bago ma-execute,” dagdag niya.

Samantala, kinontra rin ni Binay ang pahayag ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III na dapat ay pabayaan na lamang na mabitay ang OFW para maging aral sa mga sangkot sa droga.

“Magkaiba ang damdamin namin ni Pangulo. Hanggang sa bandang huli hindi naman natin tatalikuran ang ating kababayan at gagawin at gagawin ang lahat baka sa sakaling may magagawa pa,” paliwanag ni Binay.

Kampante rin si Binay na may oras pa siya para personal na umapela sa China. “Kung makakalakad ako (ngayong araw), aabot naman ako sa Lunes na maparating ang sulat ng Pangulo.  Ang pamilya nakagayak na bilang tulong ng ating pamahalaan,” dagdag pa ni Binay.

Sinabi naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte  na bukod sa naipadalang sulat ni Aquino sa Chinese Embassy, personal pa itong dadalhin ni Binay para iapela ang kaso ng Pinay.

“Siguro, when it comes to cases like this, we really exert efforts para mahingi ‘yung apela kasi hindi naman natin inaapelang mapawalang-sala. Ang inaapela natin ay huwag naman sana bitayin.

So, that is always the appeal that we make whenever there are cases like this,” sabi ni Valte. Nauna nang kinumpirma ng DFA na nakatakdang bitayin ang 35-anyos na babae mula noong Hunyo 27 hanggang Hulyo 2.

Dinakip ang babae sa Hangzhou International Airport noong Enero 2011 kasama ang isa pang Pinoy. Natagpuan ang ilang kilo ng heroin sa kanyang maleta. Nasentensyahan din ang kanyang kasama ng kamatayan.

Read more...