DA who ang isang mataas na opisyal ng gobyerno na hindi na rin mabilang ang sablay dahil sa kadaldalan nito.
Hindi nagkakalayo ang opisyal na ito sa isa pang government executive na hindi lilipas ang buong buwan na walang kapalpakan sa mga ahensiyang kanyang nasasakupan.
Ang pagkakaiba lamang ng dalawa, ang pagiging madaldal ni official A ang nagpapahamak sa kanya, samantalang ang palpak na pagpapatakbo naman ng mga ahensiyang nasa ilalim ni official B ang laging dahilan ng kanyang sablay.
Balik tayo kay Official A, kamakailan, tinangka pang isisi nito sa media ang kanyang sablay matapos namang magdulot ng hindi magandang reaksyon ang kanyang naging pahayag.
Halatang nagpalusot agad si Official A sa isa pang opisyal matapos namang makarating maging sa ibang bansa kung saan naroroon noon ang huli.
Agad itong naglabas ng klaripikasyon at itinanggi ang mga lumabas sa media.
Dahil pinaniwalaan ang palusot ni Official A, naglabas din ng pahayag ang opisyal kahit nasa ibang bansa at ang ending, ang media pa ang sinisi nito at tinawag pang iresponsable.
Sa kabila naman ng palusot ni Official A, inilabas pa ng mga miyembro ng media ang bahagi ng kanyang pahayag kung saan maliwanag na sinabi naman niya ang itinatanggi nito na nagmula sa kanya.
Sensitibo kasi ang isyu at nababanggit pa ang isang bansa rito.
Hindi ito ang unang pagkakataon na sa sobrang kadaldalan ni Official A, hindi muna siya sumasangguni sa kapwa mga opisyal bago maglabas ng pahayag.
Matatandaang may mga magkakataon din na magkaiba sila ng sinasabi ng isa pang mataas na opisyal ng pamahalaan at dahil nga lumalabas na tama ang sinabi ng kapwa opisyal, imbes na umamin, pinalabas na lamang niya na may gag order na ipinalabas sa kanila kaya hindi na siya magkokomento.
Ang ending, tama naman pala ang naging pahayag ng kapwa opisyal na ililipat na sa kanyang pamamahala ang isang ahensiya ng pamahalaan.
Bukod pa rito, hindi ba’t makailang ulit niyang sinabi na hindi masisibak ang dalawang kontrobersiyal na kalihim? Ilang oras lamang matapos ang kanyang pagtiyak na nananatili ang tiwala sa dalawang dating kalihim, inihayag ang pagbibitiw ng mga opisyal.
Gets nyo na ba ang tinutukoy ko?
Kung gusto pa ninyo ng clue, may sariling ambisyon si Official A sa 2019 at ito ang dahilan kung bakit iniikot ang buong bansa sa pagnanais na makilala ng mga botante.
Saka na lang nating pag-usapan si Official B, na nananahimik ngayon dahil sa sunod-sunod na kapalpakan sa kanyang ahensiya.