Laro Ngayon, Hunyo 23
(Calasiao Sports Complex)
5 p.m. NLEX vs San Miguel Beer
SINANDIGAN ng GlobalPort Batang Pier si Stanley Pringle na gumawa ng 50 puntos tampok ang siyam na tres upang ihulog sa posibleng pagkakatalsik ang Columbian Dyip sa paghugot ng 133-115 panalo sa kanilang 2018 PBA Commissioner’s Cup game Biyernes sa Smart Araneta Coliseum.
Umahon mula sa 10 puntos na pagkakaiwan ang Batang Pier sa unang yugto, 6-16, matapos ihulog ang 41 puntos sa ikalawang yugto upang itala ang 66-56 kalamangan sa halftime na sinandigan nito tungo na pagsungkit sa ikalimang panalo sa loob ng 10 laro.
Itinala ni Pringle ang 25 puntos sa unang hati bago idinagdag ang 25 pa sa ikalawang hati ng laro upang maging unang manlalaro makalipas ang 14 na taon na nakapagtala ng 50 puntos sa torneo.
Itinala ni Pringle, na katatapos lamang irepresenta ang bansa sa FIBA 3×3 World Cup, ang bagong career-high sa scoring mula sa 9-of-16 shooting sa 3-point area at 60 percent sa field goal shooting habang mayroon pa itong anim na rebound, tatlong steal at dalawang block.
Kinumpleto nito ang bagong season high, conference high at career high sa pamamagitan ng isang dunk sa huling 50.9 segundo ng laro. Natabunan din ni Pringle ang itinala ni San Miguel Beermen import Renaldo Balkman na 43 puntos nito lamang Hunyo 16.
Nagawa rin saluhin ni Pringle ang Batang Pier mula sa matinding paghahabol ng Dyip na nagawa pang makalapit sa 87-83 sa natitirang 4:30 ng ikatlong yugto bago siniguro ang pagtuntong ng GlobalPort sa quarterfinal round sa kabuuang 5-5 panalo-talong record.
Si Pringle ang huling manlalaro na nakatapak sa 50 puntos na marka na huling nagawa ni Asi Taulava habang naglalaro pa sa Talk ‘N Text sa pagtala ng 51 puntos noong 2004.
Hawak ni Allan Caidic ang record bilang may pinakamaraming puntos na nagawa para sa isang lokal na manlalaro na 79 puntos habang ikalawa si Paul Alvarez na may 69 puntos.
Samantala, tangka ng nagtatanggol na kampeong San Miguel Beermen masungkit ang kabuuang ikalimang panalo na magtutulak sa pagsagupa sa nanganganib mapatalsik na NLEX Road Warriors sa laro ngayon sa Calasiao Sports Complex sa Calasiao, Pangasinan.
Ganap na alas-5 ng hapon magsasagupa ang Road Warriors, na puwersado na ipanalo ang lahat ng natitirang laro, at Beermen, na hangad naman madagdagan pa ang panalo para sa inaasam nitong silya sa quarterfinals.
Nahulog ang Road Warriors sa delikadong agad na mapapatalsik na ika-11 puwesto matapos malasap ang ikatlong sunod na kabiguan na ang pinakahuli ay sa kamay ng Alaska Aces, 111-120, para sa kabuuang 2-7 panalo-talong karta.
Huli naman tinalo ng Beermen ang TNT KaTropa, 99-94, para itala ang ikaapat nitong panalo sa loob ng walong laro at okupahan ang solong ikalimang puwesto.
Aminado si San Miguel Beer coach Leo Austria na hindi nila puwedeng ipagwalang bahala na lamang ang naghihingalo na NLEX na tanging tsansa ay ipanalo ang bawat laro at naghahangad mang-agaw ng silya sa quarterfinals.
Malaki ang bentahe ng Beermen kontra Road Warriors na lalong nadagdagan pa ng problema sa injury kay Larry Fonacier matapos na una nang hindi makapaglaro sina Kevin Alas at Kiefer Ravena.
Si Fonacier ay mananatili na lamang sa upuan matapos magtamo ng “fractured ribcage” sa naging banggaan nila ni Jervy Cruz sa out-of-town game ng NLEX at Barangay Ginebra Gin Kings sa Legazpi City, Albay.
Mas lalo naman lumakas ang San Miguel Beer sa pagbabalik ni Christian Standhardinger at pagkuha pa sa serbisyo ni Kelly Nabong mula sa trade sa GlobalPort kapalit ni Gabby Espinas at draft pick sa 2020.
Kahit wala si Standhardinger sa huling laro ay napagwagian ng Beermen ang laro kontra TNT sa naging pisikal na laro.
Matatandaang napatalsik sa laro sina Arwind Santos at Marcio Lassiter para sa Beermen habang sina Terrence Romeo at Anthony Semerad naman sa KaTropa bagaman nakatakas sa posibleng suspensyon.
Inaasahang sasandigan muli ng San Miguel Beer si Balkman na nagtala ng 43 puntos, 15 rebound, 4 assist, 1 steal at 6 block sa laro kontra TNT.