Housing loan di nabayaran

DEAR Madam,

Magandang Hapon po. Ako po ay kumuha ng housing loan sa SSS, pero noong 1997 ay ipinagbili ko po ang rights nito. Nagpirmahan kami ng Deed of Absolute Sale with Assumption of Mortgage. Ang problema po ay hindi itinuloy ng buyer ko ang paghuhulog dito. Ang tanong ko ay kung makakaapekto ba ito sa pension ko kasi ilang taon na lang ay mag-60 years old na ako.

Maraming salamat po.

Isagani R. Palomares

REPLY: Ito ay tugon sa katanungan ni G. Isagani Palomares patungkol sa kanyang housing loan.

Ayon kay G. Palomares, ipinagbili na niya ang ari-arian ngunit hindi itinuloy ng nakabili ang monthly amortization ng housing loan. Sinabi ni G. Palomares na lumagda siya at ang nakabili ng naturang ari-arian ng Deed of Absolute Sale with Assumption of Mortgage. Ngunit hindi niya nabanggit sa kanyang sulat kung naabisuhan niya ang SSS na naipagbili na niya ang ari-arian upang mailipat ang pagbabayad ng obligasyon sa nakabili.

Kung hindi niya naabisuhan ang SSS, nasa ilalim pa rin ng kanyang account ang hindi nababayarang obligasyon.

Pinapayuhan namin siya na magtungo sa Investments Accounting Department sa 9/F ng SSS Main Office sa East Avenue, Diliman, Quezon City at dalhin ang Deed of Absolute Sale with Assumption of Mortgage upang maabisuhan ang SSS sa nangyaring pagbebenta ng ari-arian at mailipat ang pagbabayad ng obligasyon sa nakabili.

Nais din naming linawin na ang pagkakaroon ng pagkakautang sa pabahay ay hindi dahilan upang hindi siya makatanggap ng retirement benefit at hindi otomatikong ikakaltas sa kanyang benefit ang anumang natuturang utang niya sa pabahay.
Subalit hindi nangangahulugan na hindi na siya sisingilin ng SSS sa kanyang pagkakautang. Bibigyan siya ng opsyon kung paano niya babayaran ang kanyang pagkakautang: 1) bayaran ang nalalabing utang; 2) ipakaltas ang utang sa kanyang retirement benefit; o 3) iilitin ng SSS ang nasabing ari-arian.

Nawa’y nabigyan po namin ng linaw ang katanungan ni G. Palomares.

Salamat po.

Sumasainyo,
May Rose DL Francisco
Social Security Officer IV
SSS Media Affairs
Department

May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.

Read more...