Nadakip si Aldrin Taharan, 48, tubong Nagcarlan, Laguna, at kasalukyang nakatira sa Brgy. Dinahican, Infanta, sabi ni Chief Supt. Edward Carranza, direktor ng Calabarzon regional police.
Isinagawa ng mga pulis mula Cavite, Regional Special Operations Unit, Regional Drug Enforcement Unit, at Infanta ang operasyon sa Dinahican.
Nakuhaan si Taharan ng apat na cocaine bricks na aabot sa 1 kilo ang bigat kada isa.
“Accordingly, the suspect is selling the substance in small portions or ‘tingi-tingi,’ and asks his customers to endorse him to other buyers, especially foreign nationals,” ani Carranza.
Isinagawa ang operasyon isang linggo lang matapos madakip sa Cavite ang isang lalaki na nagsisilbi diumanong courier ng cocaine at mga “party drugs” sa Cavite at Metro Manila.
Noon namang Abril, matatandaang magkakasunod na nakarekober ng mga container na may mahigit P170 milyon halaga ng cocaine, sa iba-ibang bahagi ng dagat na sakop ng Quezon.
Pareho ang tatak ng cocaine bricks na nakumpiska kay Taharan sa ilan sa mga nakuhang palutang-lutang sa dagat sa Quezon.