Kabarilang mga pari

KINAMUMUHIAN Mo, lahat ng gumagawa ng masama, nililipol mo lahat ng sinungaling. Iyan ang Pagninilay sa Salmo sa Ebanghelyo (1 H 21:1-16; Slm 5:2-7; Mt 5:38-42) sa Lunes sa ika-11 linggo ng taon, sa kapistahan ni San Marcelino.

Dalawa ang sapul ng Pagninilay: ang pumapatay sa mga pari at ang sinungaling na mahistrado, na nilipol na nga sa puwesto. Huli na ang pahayag ni CBCP President Archbishop Romulo Valles, malapit kay Digong, sa pag-aarmas ng mga pari. Napakamapaghusga ang kanyang paratang na magiging marahas ang mga paring de-baril.

Kabarilan ko ang mga pari. Ilan sa kanila ay tinulungan kong magkabaril at magkalisensiya sa Crame (di na kailangang magsumite ng threat assessment ang pari para makakuha ng dalawang lisensiya dahil peligroso ang pagiging pari, ayon sa binagong batas ni Lacson hinggil sa baril). 90% sports ang baril para sa kanila; 10% proteksyon.

Maraming mga santo sa simbahang Katolika ang namuhay pulbura, bago sila itinanghal na banal. Si Martin Niemoeller, Confessing Pastor (1892-1984) ay “highly-decorated German U-boat commander” noong World War 1. Si San Juan de Dios, nagtatag ng Brothers Hospitallers (1495-1550) ay sundalo at lumaban kontra Pransia.

Si Santo Alban, third century martyr, ay dating sundalo at di Kristiyano. Si San Ignacio ng Loyola, nagtatag ng Society of Jesus (1491-1556), ay sundalo, “trained in chivalry, ready with the sword.” Ang obispong si Santo Vitricius, ng Rouen (330-407), ay kawal Romano. Higit sa lahat, ang santo patron ng mga kura’t pari, si Juan Vianney (1786-1859), ay sundalo at pinangaralan ni Napoleon III ng medalya ng Valor of Honor.

Sa North Caloocan, sina Padre Vic at Louie ay dating pulis at militar. Angkop ang pagtatalaga sa kanila sa Bagong Silang, ang pinakamalaking barangay sa bansa, na araw o gabi, ay lumilipad ang bala. Halos sa bawat kanto at susunod na kanto ay may mga tanggapan ng punerarya, kundi man burulan.

Ang pag-aarmas ay iniaatas ng Catechism of the Catholic Church (CCC) 2265 (batas ng Diyos). Sa batas ng tao, tatlong bagay bago pumatay ng tao: “unlawful aggression that puts one’s life on the brink of destruction; lack of sufficient provocation on the part of the person defending himself; means used by the defender against the aggressor is reasonable and commensurate with the degree of risk or danger.”

Mapagsamantala sa isyu sina Riza Hontiveros at Bam Aquino, na isinisi kay Digong ang pamamaslang sa mga pari. Nalaos sa tuwid na daan ang mga ito at ngayon ay kabilang sa mga tambay sa Senado. Kung ang gagawin ng mga LP sa Senado ay magkomentaryo at banatan si Digong, pumasok na lang sila sa dyaryo bilang kolumnista. Napakasakit. Pinasusuweldo natin ang mga tambay sa Senado habang ang mahihirap ay nalilipasan ng gutom at naghahapunan na lang ng kanin-baw (kanin sa plastik na may sabaw ng nilagang baboy at maliit na dahon ng gulay).

Patay na ang yugtong Sereno, haay. Di siya, o sila, nagtagumpay. Wala ngang SALN si Sereno. Fake news lang pala ang SALN niya. Pero, bakit si Sereno ang nagdusa at di ang kasabwat na JBC?

UST (Usaping Senior sa Talakayan, San Roque, Hagonoy, Bulacan): Maselang na usapin ang pagkakamali ng mga anak habang sila’y nagkakaisip o nagsisimulang maging-estado dahil mas matigas na ang ulo bunsod ng kinikitang pera. Sa botong siyam kontra pito, nanaig ang panig na hayaan ang pagkakamali para maituwid ang buhay.

PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebanghelyo, Gaya-Gaya, SJDM City, Bulacan): Father’s Day. Ayaw kilalanin ng anak ang ama. Ayaw din niyang mahalin. Ang ama ay adik sa shabu. Ibinenta pati ang bahay na ipinundar ng OFW na ina. Hindi mamahalin ang ama na nagwasak sa pamilya. Anang anak, ang Biblia ay nag-uutos na igalang ang ama. Walang atas na mahalin ang adik na ama.

PANALANGIN: Alisin Mo sa puso ng bawat tao ang galit at masasamang hangarin sa iba. Fr. Mar Ladra, Panalangin Para sa Kapayapaan.

MULA sa bayan (0916-5401958): Walang kwenta ang Duterte regime. Laganap ang korapsyon, ilegal na STL, droga, krimen. Maayo pa si Marcos. Jun Dagooc, Tagum City, DavNor …0916

Read more...