1.5M pamilya nabiktima ng krimen

Social Weather Stations

TINATAYANG 1.5 milyong pamilya ang nagsabi na sila ay nabiktima ng krimen gaya ng pagnanakaw o pananakit sa nakalipas na anim na buwan, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).

Ayon sa survey noong Marso, 6.6 porsyento ang nagsabi na sila ay nabiktima ng krimen mas mababa ng isang porsyento kumpara sa survey noong Disyembre (7.6 porsyento o 1.7 milyong pamilya).

Sinabi ng 6.1 porsyento (1.4 milyong pamilya) na mayroong miyembro ng kanilang pamilya na nanakawan o naholdap sa nakaraang anim na buwan. Mas mababa ito sa 7.1 porsyento (1.6 milyon) na naitala sa huling survey ng 2017.

Sinabi naman ng 0.6 porsyento (145,000) na may miyembro ang kanilang pamilya na naging biktima ng pananakit mas mababa ito ng 0.2 porsyento sa survey noong Disyembre.

Limampu’t apat na porsyento ang nagsabi na natatakot silang manakawan bumaba mula sa 59 porsyento. 46 porsyento ang nagsabi na hindi ligtas ang mga lansangan, bumaba ng dalawang porsyento at 40 porsyento ang nagsabi na marami pa ring adik mas mababa ng dalawang porsyento.

Ang survey ay ginawa mula Marso 23-27 at kinuha ang opinyon ng 1,200 respondents.

Read more...