Dear Ateng,
Ako po ay isang working student. Hindi po kasi ako kayang pag-aralin ng magulang ko kaya po ako po ang tumutustos sa pang-araw-araw namin.
Sa call center na pinagtratrabahuhan ko ay ki-nausap po ako ng manager at gusto po nila akong bigyan ng promotion. Pero sa bagong schedule na ibibigay nila ay hindi ko na kakayaning mag-aral.
Noong makiusap po ako, ang sabi po nila ay hindi nila kayang baguhin ang schedule at aabutin pa ng isang taong pagtratrabaho bago ko makuha ang schedule ko.
Ang suggestion po nila ay tumigil muna ako sa pag-aaral.
Sa tingin mo, which is best: titigil ako sa pag-aaral at tatanggapin ang trabaho o magre-resign na lang?
Hindi po kasi kaya na hindi ako magtrabaho, pero natatakot naman po ako na baka hindi ko na po maipagpatuloy ang pag-aaral kapag nagtrabaho pa ko nang matagal. Ano po ang gagawin ko?
Lester ng Naga
Hi Lester,
Parang mas madali na lang magtrabaho kesa mag-aral, di ba? Pero ang mas dapat mong sagutin ay kung ano ang priority mo–studies or work?
Paikot-ikot lang…kapag di ka nagtrabaho ay di ka makakapag-aral, di ba? Pag di ka nag-aral, di ka naman makakaalis diyan.
So, kung gagawin mo ang prayoridad mo, mas madali mong makakamit ang fulfillment.
May point ang employer mo, pwede kang mag-drop na lang sa school at magtrabaho. Promotion iyan, mas malaking sweldo, mas mabilis ang asenso.
Pero hanggang kailan ka nila pwedeng “takutin” na ngayon lang ‘yang promotion?
Na sila lang makakabigay sa iyo ng bright future or promotion? What makes you think na ikaw lang pwede nilang bigyan ng promotion na yan? Remember, hindi ka indispensable. Pag ayaw mo sa kondisyon nila, move on na sila sa next person who can and will grab the opportunity.
At may point ka rin, hindi ka matutuloy sa pag-aaral kapag walang work, walang sweldo, walang pang-tuition.
Siyempre naman, pagkatapos ng promotion ay mas malaking responsibilidad, mas maraming demands. Eventually wala nang time para mag-aral.
Pero sila lang ba ang pwedeng pagtrabahuhan mo? Di ka ba pwedeng magtrabaho sa iba na nagre-recognize ng effort mo na mag-aral habang nagtatrabaho? Maliit siguro ang sweldo, mag-start ulit siguro sa pinakamababa, pero kung gusto mo talagang mag-a-ral, okay lang ang lahat ng ito towards sa pangarap mong makapagtapos, di ba?
So again, ano ba priority mo?
Magtrabaho at mag-drop sa aral…may kita pero mas malayo sa pangarap, o baka ma-postpone ang pangarap.
O mag-aral at palampasin ang promotion. Palampasin ang mas malaking sweldo.
Pag nagtrabaho ay pwedeng mag-ipon. Pwedeng mas tumaas pa ang posisyon at sweldo.
Pag nag-aral ay mas madaling maabot ang pangarap. Mas makakakuha ng magandang trabaho. Medyo matagal ang pag-angat pero mas sigurado.
Ikaw lang makakasagot–ano ang priority mo?
Walang maling sagot pero ang isasagot mo ang magtatakda ng kinabukasan mo.
Gabayan ka nawa ng Dios, Lester!