Esep-esep Parks

PALAGING sinasabi ni Bobby Ray Parks na siya ay ‘‘Pinoy.’’ At hindi ko ito kokontrahin. Ngunit hindi rin mawala sa aking isipan na tila hindi Pinoy ang kanyang kilos gawa at salita.
Mabilis magbitiw ng maaanghang na komento si Parks na lumaro ngunit bigo naman siyang bigyan ng titulo ang National University Bulldogs sa UAAP basketball wars.
Mukhang nauuna kay Parks palagi ang emosyon at hindi ang masusing pag-iisip bago ibuka ang bibig. Bago ang pagbubukas ng MPBL ay gumawa agad ng malaking ‘‘sunog’’ si Parks at sinabi may ‘‘racism’’ sa liga. Siyempre pa, alam na natin ang nangyari. Tumahimik si Parks at pumirma ng kontrata sa Mandaluyong El Tigre sa Datu Cup ng Maharlika Pilipinas Basketball League.
Ngunit hindi dito nagtapos ang lahat. Matapos matalo ang El Tigre sa Muntinlupa Cagers, 86-74, ay bumanat na naman si Parks na sinabing hindi siya welcome sa liga. Ito ay matapos siyang tawagan ng apat offensive fouls sa laro.
Hindi ito tama. Sapagkat para sa akin ito ay manipis na dahilan ng pagkatalo.
May katungkulan si Parks na buhatin ang Mandaluyong sa tagumpay. Mga respetadong tao ang nagpapatakbo ng El Tigre at ang pinakamagandang gawin ni Parks ay ibigay ang kanyang 101 porsyento kada laro.
Sa kalaunan ay humingi ng paumanhin si Parks. Mukhang malaki ang kaibahan ni Parks sa kanyang ama na hinangaan hindi lang ang galing kundi ang ugali noong kasikatan sa PBA.
Gumising ka, Bobby Ray! Ginintuan ang katahimikan.
World Cup patok
Bihira akong magpuyat ngunit hindi maiwasan sa kasalukuyan ang pagbababad sa telebisyon dahil sa World Cup na ginagawa sa Russia.
Para sa akin ay mga henyo sa bola ang mga manlalaro. Gamit ang mga paa ay maiikumpara sa pasahan ng bola ng NBA champs na Golden State Warriors.
Siyempre pa, hindi mga paa kundi mabibilis na kamay ang gamit nina Stephen Curry, Kevin Durant at Klay Thompson.
Hindi ko rin naman maiwasang mangarap na makita sa mga darating na dekada ang Philippine Azkals na nasa pinakatanyag na tanghalan sa futbol.
Siyempre pa, milya-milya ang layo ang kalidad ng mga nagbabakbakan sa Russia sa kalidad ng Pinoy football, Ngunit hindi naman masamang mangarap. Ang masama ay kung mawala na rin sa atin ang pangarap na maka-World Cup.
Laban Azkals!

BETS tagumpay

Malaking tagumpay ang Casino Filipino Battle Extreme Tournament of Superstars (BETS). Nagpakitang-gilas ang mahuhusay na Mixed Martial Arts (MMA) fighters mula sa South Korea at Pilipinas.
Inorganisa ni Professor Alvin Aguilar na siya ring ama ng jujitsu at kilala rin sa pagtatatag ng Universal Reality Combat Championship ang bakbakan. Nakipagtulungan ang Casino Filipino at URCC sa Live Artists Production.
Umani ng mga paghanga ang mga mandirigmang sina Rogelio Enumerables, Zairy Mariano, Anne Sabadlab, Mark Gatmaitan, Patrick Dos Santos, Norman Agcopra, Andy Ligao, Dave Bangguigui at Jorian Formentera.
Hindi nagpahuli ang mga Koreanong sina Do Gyeom-Lee, Minho Kim, Cho Seung Hyun at Moobin Lee.
Sikat ang arnis

Nakarating na ang arnis sa bansang Iran na nagtayo ng isang asosasyon upang paunlarin at patibayin ang husay ng mga Iranian sa ating pambansang isports.

Hindi na bago sa ating pandinig na mapanood ang mga pelikulang pinagbibidahan ng mga dayuhan na gamit ang arnis. Ngunit level-up ang Arnis Commission of Iran na pinamumunuan ni Hossein Ezzati.

Nagbigay-pugay sa Philippine Sports Commission ang grupo ni Ezzati kasama ang mga naglalakihang pangalan ng arnis na sina Philippine Eskrima Kali Arnis Federation (PEKAF) secretary general Rene Tingson, PEKAF executive director Ronyll Mendoza at board members Patty Caballero, Samuel Dulay, Gerald Canete, Felipe Abello, Jr., Efren Adresto at Mario Palazuelo .

Nangako si Ezzati na palalaganapin ang arnis sa Azerbaijan, Turkmenistan and Uzbekistan.

Read more...