Krusyal na panalo target ng Ginebra

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Phoenix vs GlobalPort
7 p.m. Columbian Dyip vs Barangay Ginebra
Team Standings: Rain or Shine (8-1); Meralco (7-2); Alaska (7-2); TNT Katropa (6-3); GlobalPort (4-4); San Miguel (4-4); Magnolia (4-5); Columbian Dyip (4-5); Barangay Ginebra (3-5); Phoenix (3-6); NLEX (2-7); Blackwater (1-9)
KUNG puntirya ng Barangay Ginebra na makausad sa playoffs ng PBA Commissioner’s Cup ay kailangan na itong kumilos ngayon.
Kasalukuyang nasa ika-siyam na puwesto ang Gin Kings na may 3-5 kartada.
Makakasagupa ng Barangay Ginebra umpisa alas-7 ng gabi ngayon sa Smart Araneta Coliseum ang hindi puwedeng balewalaing Columbian Dyip na may 4-5 baraha.
Kampante si Gin Kings coach Tim Cone na malulusutan ng koponan ang butas na kanilang kinalalagyan lalo pa’t may mga pagbabago sa koponan.
Inaasahang maglalaro na ngayon para sa Ginebra ang shooter na si Jeff Chan na kanilang nakuha mula Phoenix mula sa isang trade.
“Jeff obviously fills a big hole for us. His ability to spread the floor for Greg (Slaughter) and Japeth (Aguilar) could spell the difference,” sabi ni Cone.
Kahapon ay nakuha rin ng Gin Kings ang rookie na si Julian Sargent mula GlobalPort kapalit ni Paolo Taha.
Pero ang pangunahing sasandalan ni Cone ay ang maaasahang import nito na si Justin Brownlee.
“We’re a little more comfortable now,” sabi ni Cone, na nakabawi sa huling dalawang laro nito kasama na sina Greg Slaughter at Joe Devance.
Kapwa asam naman ng Columbian Dyip at GlobalPort Batang Pier na mapanatili ang kanilang puwesto sa Top Eight.
Makakasagupa ng GlobalPort ang Phoenix Fuelmasters ganap na alas-4:30 ng hapon.
Magpapakatatag ang Batang Pier sa ikalimang silya sa pagsagupa nito sa nasa ika-10 puwesto na Fuelmasters.

“We have to play consistent, good basketball defensively and offensively versus Phoenix,” sabi ni GlobalPort coach Pido Jarencio.
Matapos na malasap ang ikaapat na sunod na kabiguan ay puwersado na ang Phoenix na ipanalo ang lahat ng mga natitira nitong laro upang buhayin ang katiting nitong tsansa na makaabot sa playoffs at makaagaw ng isang silya sa kailangang walong koponan sa quarterfinals.
Ang huling laro ng Fuelmasters sa elims ay laban sa bigating Alaska sa Hulyo 6.

“Hard but doable,” tanging nasabi lamang ni Phoenix coach Louie Alas patungkol sa kanilang tsansang makapasok sa playoffs.
Determinado naman ang GlobalPort na madagdagan ang panalo sa bitbit nitong 4-4 record matapos nitong huling biguin ang nagtatanggol na kampeong San Miguel Beer, 98-94.
Ang susunod na makakasagupa ng Batang Pier ay ang Columbian Dyip sa Biyernes at Barangay Ginebra sa sunod na Linggo na kung magagawa nitong magwagi sa lahat ng laban ay makakasiguro itong papasok sa susunod na labanan. —Angelito Oredo

Read more...