IPINAGTANGGOL ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) ang hinihiling nitong P5 hanggang P7 dagdag singil sa pamasahe sa Light Rail Transit Line 1 (LRT1), sa pagsasabing sa kasalukuyan, nalulugi na ang kompanya.
“Interest and everything, halos wala na ho kinikita [ang kompanya]. In terms of ‘yung sa cash flow po namin, ganon po ‘yung nangyayari,” sabi ni LRMC president and CEO Juan Alfonso sa isang panayam sa DZBB.
Noong Mayo, hiniling ng LRMC sa Department of Transportation (DOTr) na payagan ang P5 hanggang P7 taas pasahe sa LRT1 simula Agosto ngayong taon.
Nagkakahalaga sa kasalukuyan ang pamasahe sa LRT1 mula P15 hanggang P30.
Sa ilalim ng panukala, aabot ang pamasahe ng LRT1 ng P37.
“For four years na ho, wala kaming rate increase. Nag-increase ho bago pa na-privatize ‘yung LRMC. Nung naging LRMC na po, wala pa po kaming fare increase,” ayon pa kay Alfonso.
Bumibiyahe ang LRT1 mula Roosevelt station hanggang Baclaran station.