PNP itinangging ‘fall guy’ ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Father Nilo

ITINANGGI ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Oscar D. Albayalde na ‘fall guy’ ang naarestong pangunahing suspek sa pagpatay kay Fr. Richmond Nilo, base na rin sa mga testimonya ng mga testigo.

Idinagdag ni Albayalde, nakita ng testigo, na isang sakristan, nang barilin ni Adell Roll Milan si Nilo habang naghahanda siya para sa misa sa kapilya ng Barangay Mayamot sa bayan ng Zaragosa sa Nueva Ecija ganap na alas-6 ng gabi noong Hunyo 10.

Iginiit ni Albayalde na hindi minadali ang kaso sa harap naman ng panawagan mula sa publiko.

“Number one, we can assure the public na hindi kagagawan ng PNP na gagawing fall guy si Milan kasi yung bata na nagturo sa kanya yung altar server ay hawak ‘yan ng pari,” sabi ni Albayalde.

Ayon pa kay Albayalde, tatlong beses na positibong kinilala ng sakristan ang suspek matapos iprisinta ang mga litrato sa bata, matapos barilin ng suspek ang pari mula sa bintana ng kapilya.

“Then pinaulit-ulit at tinanong sa kanya sa pari na sigurado ba siya dahil konsensya niya ‘yan and he said yes ‘yun ang bumaril kay Father Nilo,” giit ni Albayalde.

“Ang sakin naman ay we base on the statement nung bata. ‘Yun ang matibay na ebidensya na isa eh dahil siya yung mismong tinuturo ng bata,” ayon pa kay Albayalde.

Read more...