TATLONG daan at dalawang istambay sa Quezon City ang dinampot noong Biyernes sa iba’t ibang paglabag — City Ordinance SP-85 o inuman sa kalye; CO 2623 o paghuhubad sa publiko; CO 26 o public smoking; CO 2301 o curfew; CO-SP 3730 o Anti-Barker Law at Co 512 laban sa “deadly weapons”.
Nitong Sabado, 60 isyambay naman ang hinuli sa Maynila
Ito’y kampanya ng PNP na OPLAN RODY (Rid the Streets of Drinkers and Youth) kontra kriminalidad hanggang baranggay. Ayon kay Pres. Duterte, kaila-ngang aksyunan ang mga “potential troublemakers” o mga taong sanhi ng krimen sa maraming lugar.
Ayon sa PNP kaila-ngang protektahan ang taumbayan sa mga kriminal na nakahalo sa mga istambay. Iba’t iba ang reaksyon, merong pabor at kontra lalo na sa legalidad ng pag-aresto sa mga istambay. Maraming lokal na ordinansa ang ibinasura ng Korte Suprema dahil labag sa Saligang Batas.
Sa kaso ng na-TRO na curfew sa QC, Navotas at Maynila, ito raw ay posibleng paglabag sa “personal liberties”, partikular ang “freedom of movement and travel” ng mga menor de edad bukod pa sa kontra ito sa RA 9344 o Juvenile Justice law.
Talagang napakanipis ng “legal basis” dito. Unang-una, lahat ba ng istambay ay kriminal? Ikalawa, kasalanan bang maging istambay dahil mahirap, walang trabaho at pa-sideline-sideline lang ang buhay?
Ikatlo, huhulihin din ba ang mga istambay na mayaman? Ikaapat, wala na bang “freedom of movement and travel” na ginagarantiya ng Konstitusyon? Ikalima, porke ba maraming nagkukumpulan o istambay ay dapat na silang hulihin? Ikaanim, ano ang proteksyon ng istambay sa mga abusadong pulis?
Noong 1939, ang gamit ng pulis ay “anti-vagrancy law” o bagansya sa mga taong gumagala sa mga pampublikong lugar nang wala namang hanapbuhay, nagsusugal, mga bugaw at mga prostitutes. Pero, ito’y inamyendahan at na-decriminalize ng RA 10158 noong 2012; naging multa na lamang ang parusa, pero, may kulong pa rin sa kaso ng prostitusyon.
Nakikita ko ang gustong mangyari ng gobyerno, li-nisin ang hanay ng mga istambay na kriminal sa bawat baranggay. Pabor ako diyan, at napapanahon. Pero, kailangan din ng matinding “intelligence work” sa panig ng otoridad. Maganda ang panimula ng QCPD dahil sa gabi at magdamag sila nanghuhuli at nagbeberipika ng istambay.
Ano nga naman ang mga dahilan kung bakit i-nuumaga sa kalye ang mga taong ito, maliban kung manggulo ng kapitbahay o gumawa ng krimen?
Kung gabi-gabi ay gagawin ito ng mga otoridad at wala namang aalahanin ang mga lehitimong trabahante, tulad ng mga nasa call center, pabrika, at iba pang kompanya, o panggabing negosyo, pabor tayo rito.
Kaya lamang, yung “round the clock operations”, medyo may problema tayo.
Pero, mas madali at mas epektibo sana ang OPLAN RODY kung mismong mga kapitan ng baranggay, kasama ng kanyang mga kagawad ang magtuturo na agad kung sinu-sinong mga istambay sa kanilang lugar ang “kriminal”. Imposibleng hindi nila kilala ang mga “riding in tandem” drug pusher, akyat bahay, magnanakaw, holdaper, snatcher, salisi, “illegal bookies”, kasama na ang mga abusadong pulis, mga magnanakaw na opisyal ng gobyerno at iba pa.
Masakit mang sabihin pero iniisip ko, marahil ay duwag sila, nagbubulagbulagan o kasangkot!
Pagiging tambay, krimen na ba?
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...