Rain or Shine Elasto Painters solo lider pa rin

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Alaska vs Meralco
6:45 p.m. Brgy. Ginebra vs Magnolia

NAPANATILI ng Rain or Shine Elasto Painters ang pagkapit sa solong liderato at isa sa pinag-aagawang dalawang awtomatikong silya sa semifinals matapos nitong takasan ang matinding hamon ng Phoenix Fuelmasters, 108-106, sa kanilang 2018 PBA Commissioner’s Cup game Sabado sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Umahon mula sa 19 puntos na pagkakaiwan sa unang yugto ang Elasto Painters, 10-29, bago nagawang makatabla sa ikaapat na yugto sa 98-all at tuluyang agawin para sa unang pagkakalasap nito ang kalamangan sa laro tungo na sa ikalimang sunod na panalo at 8-1 panalo-talong kartada.

Unang itinabla ni James Yap ang laro sa 96-all, may 6:48 pa sa laro, bago nagpalitan sina Doug Kramer ng Fuelmasters at Ed Daquioag ng Elasto Painters sa magkabilang goal para sa pinakahuling 98-all.

Dito na umarangkada ang Rain or Shine na inihulog ang anim na sunod na puntos mula lahat kay import Reginald Johnson para sa 104-98 abante bago naghabol ang Phoenix na huling idinikit ang laban sa 106-107 mula sa isang tres ni RJ Jazul, may 46 segundo pa sa laro.

Nagkaroon ng pagkakataon ang Fuelmasters na agawin pa ang laro matapos na sumablay si Elasto Painters guard Maverick Ahanmisi subalit hindi nagawa ni import Eugene Phelps na maipasok ang kanyang ginawang atake sa huling anim na segundo upang malasap ang ikaapat na sunod na kabiguan para sa 3-4 kartada.

Pinakahuling nagtangka si Matthew Wright para sa isang tres subalit hindi lamang ito tumama sa ring.
Samantala, itataya ng Alaska Aces at Meralco Bolts ang kani-kanilang winning streak sa tampok na sagupaan ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Agad na magkakasalpukan ang Aces, na hawak ang pitong sunod na panalo, at Bolts, na itinala ang apat na diretsong pagwawagi, sa ganap na alas-4:30 ng hapon bago ang krusyal na sagupaan ng Barangay Ginebra Gin Kings at Magnolia Hotshots sa alas-6:45 ng gabi.

Manggagaling ang Aces sa pagputol sa dominasyon dito ng NLEX Road Warriors matapos nitong itakas ang 120-111 panalo noong Biyernes ng gabi na nagpalakas lalo sa tsansa ng koponan tungo sa unang dalawang silyang awtomatikong papasok sa semifinals. Nauwi ng Aces ang panalo sa pagtutulungan nina import Antonio Campbell at Chris Banchero.

Inihulog ni Campbell ang krusyal na mga tres sa ikaapat na yugto upang magtipon ng 28 puntos habang inihulog ni Banchero ang 10 sa kanyang 12 puntos sa huling limang minuto ng laro upang pigilan ang pag-atake ng Road Warriors upang makisalo sa liderato ang Rain or Shine Elasto Painters sa bitbit na 7-1 kartada.

“Coach was telling of their losing record against NLEX, but I told them I wasn’t here then. Before the game, I said we’re gonna get the ‘W’, and that’s what we did,” sabi ni Campbell.

Muling nagtala si Vic Manuel sa ikapitong sunod na laro ng mahigit sa kanyang mga average sa itinalang 22 puntos, 11 rebound at 2 assist. Nag-ambag din si Jvee Casio ng 16 puntos habang sina Kevin Racal at Simon Enciso ay may 13 puntos kada isa para sa Aces.

Gayunman, inaasahang masusubok ang katatagan ng Alaska sa pagsagupa nito sa Meralco na nagpakita ng bitbit na lakas sa itinala nitong 102-75 pagwawagi kontra Blackwater Elite noong Biyernes upang pormal nitong masiguro ang silya sa quarterfinals.

Sinandigan ng Bolts ang dating best import awardee na si Arinze Onuaku na nagtala ng 17 puntos, 16 rebounds 2 assist, 2 block at 1 steal sa 28 minutong paglalaro upang dominahin at tuluyang patalsikin sa torneo ang Elite.

“Bring it on,” sabi lang ni Onuaku. “We control our own destiny. All the teams ahead of us we play so it’s a good thing. We got three more games so we’ll try to win them to get a better position for the playoffs.”

Pilit naman na bubuhayin ng Barangay Ginebra ang tsansa nitong makatuntong sa susunod na labanan sa paghahangad sa ikatlong panalo sa pagsagupa nito sa kapatid na koponan na Magnolia.

Huling tinalo ng Gin Kings ang NLEX Road Warriors, 93-85, habang nagwagi ang Hotshots kontra TNT KaTropa, 111-89.

Read more...