PCOO nagpalusot na typo error ang pagtawag sa Norway bilang Norwegia

KAMAKAILAN, may panibagong kamalian na naman ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) kung saan tinawag nito ang bansang Norway bilang Norwegia.

May palusot agad ang pamunuan ng PCOO sa pagsasabing typo error lamang ang nangyari.

Imbes na aminin na lamang ang pagkakamali, bakit kailangang magpalusot?

Bilang opisyal na pinagmumulan ng mga impormasyon kaugnay ng mga aktibidad ni Pangulong Duterte, dumadaan kasi ang lahat ng mga press release, photo captions at iba pang mga opisyal na komunikasyon na nanggagaling sa PCOO sa mga opisyal bago ito ipalabas sa publiko at ipost sa opisyal na social media accounts nito gaya ng Facebook page.

Kahit nakalusot ang kamalian sa nag-caption nito kung totoo ngang typo error ito, napansin sana ito ng mga opisyal na nag-aaprub nito kung ginawa lang ang kanilang trabaho.

Hindi biro ang laki ng sweldo ng mga opisyal at napakaraming tao ng PCOO para makalusot pa ang ganitong simpleng bagay.

Gawin na lamang dapat ng mga opisyal ng PCOO ang kanilang trabaho imbes na magpalusot pa.

Hindi ito ang una, pangalawa at pangatlong beses na sangkot ang PCOO sa wow mali, katunayan, hindi na nga mabilang ang mga blunder ng ahensiya at mga attached offices sa ilalim nito.

Sa pagpasok ng ikatlong taon ng PCOO, hindi na rin maaaring ipalusot pa na nanganganay pa rin ang departamento.

Bawasan kasi ang laging pagbuntot ng mga opisyal tuwing may biyahe si Digong. Puro lakwatsa lang naman at shopping ang ginagawa imbes na magtrabaho ng husto.

Bukod pa rito ang hiwalay na biyahe ng ilang matataas na opisyal ng kagawaran.

Buti na lang at mataas ang popularidad ni Digong kayat kahit puro palpak ang mga opisyal sa PCOO, hindi apektado ang pangulo.

Samahan pa ng pagpapalabas ng mga Chinese shows sa government-run television, na walang kaugnayan sa pagpapaganda ng imahe ng gobyerno.

PCOO, hoy gising!

Read more...