Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. Rain or Shine vs Phoenix
6:45 p.m. San Miguel Beer vs TNT
PINATATAG ng Meralco Bolts ang tsansa nitong makipag-agawan sa unang dalawang puwestong pinag-aagawan sa semifinals matapos nitong tuluyang patalsikin ang Blackwater Elite sa pagtala ng 102-75 panalo sa kanilang 2018 PBA Commissioner’s Cup game Biyernes sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Inilatag ng Bolts ang matinding depensa sa paglimita sa Elite sa tig-15 puntos sa una at ikalawang yugto at 17 sa ikatlong quarter habang ibinagsak ang 24, 35 at 20 puntos sa unang tatlong period upang makisalo sa dalawang koponang ikatlong puwesto sa kabuuang 6-2 panalo-talong record.
Itinala pa ng Bolts ang pinakamalaking abante sa 41 puntos, 93-52, sa pagsisimula ng ikaapat na yugto bago na lamang pilit na naghabol ang Elite na maibaba ang kalamangan sa pagtatapos ng laro sa 27 puntos.
Pinangunahan ni Arinze Onuaku ang Bolts sa itinalang 17 puntos, 16 rebound at 2 assist habang nag-ambag si Antonio Jose Caram ng 13 puntos, 3 rebound at 3 assist. Tumulong din si Cilff Hodge sa ginawang 12 puntos, 4 rebound at 3 assist habang si Jarred Dillinger ay may 11 puntos, 2 rebound at 2 assist para sa Meralco.
“I thought my guys played with a sense of urgency tonight. It was a must-win situation for us, especially with the three games coming up in the schedule. We really wanted to come out and establish our defense,” sabi ni Bolts coach Norman Black sa pagsiguro nito ng silya sa quarterfinals.
Ang ikalawang sunod na panalo ng Bolts ay nagpantay naman dito sa TNT KaTropa sa ikatlong puwesto na halos ay napag-iiwanan lamang ng isang laro sa nangungunang Rain or Shine Elasto Painters na may 7-1 record at ang Alaska Aces na bitbit ang 6-1 panalo-talong kartada.
Nanguna si Henry Walker sa itinalang 14 puntos, 13 rebound at anim na assist habang tumulong si Allein Maliksi na may 12 puntos at limang rebound para sa Elite na nahulog sa 1-9 panalo-talong kartada.
Samantala, lalapit pa ang Rain or Shine Elasto Painters sa pagsungkit sa isa sa pinag-aagawang awtomatikong dalawang silya sa semifinals sa pagsagupa nito sa nanganganib mapatalsik na Phoenix Fuelmasters sa una sa dalawang tampok na salpukan ngayon sa Mall of Asia Arena.
Itataya ng Elasto Painters ang apat na sunod nitong diretsong panalo sa pagtatangka sa kabuuang ikawalong panalo sa loob ng siyam na laro kontra Fuelmasters na hangad na makabalik sa walong koponang tutuntong naman sa matira-matibay na quarterfinals.
Huling tinalo ng Rain or Shine ang Blackwater, 104-94, habang nalasap ng Phoenix ang ikatlong sunod na kabiguan kontra Columbian Dyip, 115-207.