MATAGAL ko nang kilala si Ai Lebornio, ang head coach ng University of the East women’s basketball team sa UAAP.
Sa totoo lang, bago pa siya pumunta sa UE six years ago ay nagtagpo na ang aming landas sa University Games sa Dumaguete.
Pool reporter ako noon ng University Games at nanonood ako ng women’s basketball games at nakita ko nga ang Lyceum team na hawak noon ni Ai.
Kahit maliliit ang team niya na pinangungunahan noon ni national player Chackie Cabinbin ay mabilis sila, maliliksi at hindi sumusuko.
Hindi naman nakapagtataka dahil nga ang Lyceum ay limang beses ng nananalo sa WNCAA at natigil lang itong streak nila noong lumipat ang Lyceum sa NCAA na wala namang women’s basketball event.
Kaya nga itong si Ai ay kinuha ng UE kasama sa team ni Boycie Zamar na hahawak naman sa UE men’s team.
Matapos talunin ng Lyceum ang University of the Philippines sa University Games ay pinuntahan ko sila sa dugout at nagpakilala ako. Nag-offer mag-conduct ng libreng team building kung gusto nila at doon nagsimula ang aming pagkakaibigan ni coach Ai.
Sa UE ay minana niya ang isang team na walang panalo for two seasons, 0-14. So starting from scratch siya, ‘ika nga.
Pero sa first year niya sa UE ay nakadalawang panalo siya, sa second year ay nakaapat o lima, sa third year ay pumasok na sila sa Final Four at nag-overall third placer, sa 4th year, last year, hinarap nila ang undefeated National University at binigyan ng isang magandang laban sa finals, nag-collapse lang ang team sa last five minutes.
Sa limang taon na iyon, nakita ko kung paano trinabaho ni Ai ang pag-develop sa skills ng players niya na pinangungunahan nina Love Joy Sto. Domingo, na nag-Rookie of the Year at Mythical Five pagkatapos, point guard Ruth Tacula at sentrong si Eunique Chan. Sa attitude side naman ay tinulungan ko siya ng walang bayad.
Isa pang gusto ko kay coach Ai kaya tinutulungan ko siya at team niya, kahit off the court, inaalagaan niya ang mga players niya. Pangarap niya para sa lahat ay makatapos ng college para sa kanilang kinabukasan.
At nakita naman ang resulta sa mga efforts ni coach Ai sa team pero eto ngayon ang hamon sa kanya.
Nagsipag-graduate na ang kanyang starters, kasama ‘yung top 3 players niya at rebuilding stage siya ngayon. Pero ang maganda, meron siyang mga reserve at bench players na pamilyar na sa kanyang istilo at na-develop na rin ang mga skills at gusto namang magpakita ng kanilang kayang gawin sa loob ng court. Tapos ay may mga nakuha rin siyang promising players mula sa Cebu, Aklan at Laguna.
Meron pa nga raw tumawag na isang ina ng isang Fil-Canadian player na gustong sa UE paglaruin ng nasabing ina, sana nga ay matuloy.
Iyon ang maganda sa sitwasyon ni coach Ai ngayon na dahil may napatunayan na siya, from 0-14 to second placer sa UAAP at naipakita niya na ang sistema niya ay effective kaya may 20 scholarship slots na ibinigay sa kanya. Dati ay 14 lang at may mga tumatawag na nga sa kanya para ipasok ang players nila sa UE na dati ay imposibleng mangyari.
Nanood ako ng practice ng UE kamakailan at sa tingin ko ang Final Four ay kayang abutin muli ng team ni coach Ai.
Noong Martes kami ni coach Ai kasama ang mga players niya ay nagpunta sa isang shelter para sa mga matatanda na wala ng kamag-anak na gustong mag-alaga sa kanila at pati na rin sa mga special children na inampon sa naturang shelter. Gusto raw kasi ni coach Ai na parte ng birthday celebration niya ay mag-share sa mahihirap at nagpatulong nga siya sa akin sa paghanap. Ako naman ay nagpatulong sa mga kaklase ko sa Paco Catholic School Class 72 at mga dating Y-JAM members ko sa Mandaluyong na mga nagtatrabaho na rin ngayon.
Nag-pool kami ng resources, pagkain mula kina coach Ai at kami naman, pati mga players, nagdala ng kung anong mga bagay na makakatulong sa shelter sa San Andres Bukid sa Maynila at masaya kaming lahat na napasaya namin ang mga bata at matatanda roon.
At babalik kami uli roon sa Missionaries of the Poorest sa December para sa team Christmas party ng Lady Warriors.