“Walang Puso at Konsensya” (PGMA’s Food Trip in the US)

KUNG matatandaan, isa sa mga kampanya ng administrasyon ni Pangulong Arroyo ay pagkain sa bawat hapag-kainan. Ipinangalandakan  ni Arroyo na sa kanyang pamumuno ay titiyakin niya na may pagkain sa mesa ang bawat pamilya.

Batid nga kasi talaga ni Arroyo na marami ang nagugutom sa Pilipinas, kaya hindi nakakapagduda na isa ito sa mga pangunahin niyang programa.  Bagamat hindi naisakatuparan nito ang kanyang pangako, base na rin sa mga survey na patuloy pa rin ang pagtaas ang bilang ng mga nagugutom sa bansa,nandu’n pa rin at sinisikap daw ng kanyang administrasyon na iangat ang kabuhayan ng mga mahihirap na Pilipino.
Pero ang masakit nito, bukod sa hindi na nga natupad ang pangako, ano pa itong maluhong paggastos na kanilang ginawa  sa Estados Unidos nang kumain ito sa isang mamahaling restaurant nang bumisita ang pangulo kay US President Barack Obama.
Base sa ulat ng isang tabloid sa New York; ito ang mga kinain ni Arroyo at ng kanyang entourage na ginastusan ng $20,000 na ang katumbas ay kulang-kulang na P1 milyon: 11 botelya ng Krug Champagne na nagkakahalaga ng $510 kada botelya; Osetra caviar na ang halaga ay $1,400 kada limang ounces; “Chef’s tasting menu” na $4,500 para sa 25 na order; three-course na “Chef’s seasonal menu” na nagkakahalaga ng $1,450 para sa 25 order; at appetizer na bi-nubuo ng lobster salad, burgundy escargot at soft shell crab tempura.  Tinatayang nasa P32,000 ang gastos kada isang tao.
Hindi raw luho ito, ‘yan ang paninindigan ng Palasyo.  Wala raw mali sa kanilang ginawa, at walang dahilan para sila humingi ng tawad sa sambayanan dahil hindi naman pera ng taumbayan ang ipinambayad dito.
Hindi iyon ang punto namin.  Ang punto ay nagawa ng pangulo ng bansa at ng kanyang  entourage na kumain at uminom nang marangya habang milyun-milyon ang nagugutom na Pilipino — na hindi nga nakakakain ng tatlong beses sa isang araw.
Anong klaseng mga tao ito?  Nasaan ang kanilang mga puso at  konsensya?
Wala na bang natitirang pakiramdam ang mga ito?  Hindi na ba sila inaabot ng kahihiyan sa katawan na sa bawat tungga ng mamahaling wine at pagsubo ng mamahaling pagkain — ay libu-libong pamilyang Pilipino naman ang hindi kumakain dahil sa kahirapan.  Marami na nga sa kanila ang tinakasan na ng ulirat at hindi na alam  kung ano ang tunay na kahulugan ng pagkain, ngunit ang ating pangulo na dapat ay magbigay ng mabuting ehemplo sa kanyang mga kasamahan ay nagpakasasa sa caviar, isa sa pinakamahal na pagkain sa mundo.
Hindi kailanman kayang tanggapin ng sambayanan ang katwiran ng administrasyong ito na hindi pera ng taumbayan ang ginastos sa maluhong pagkain at alak.  Ang punto, matuto naman sana kayong makiramay sa mga nagugutom na Pilipino.
Uulitin natin ang giit ng Malacañang: Hindi raw ito luho; wala raw mali sa kanilang ginawa; at higit sa lahat walang dahilan para sila humingi ng kapatawaran  sa sambayanan na kumakalam ang tiyan.

Makonsensiya naman kayo!

Bandera Editorial, August 11, 2009

Read more...