Suspek sa pagpatay kay Fr. Richmond Nilo naaresto

NAARESTO ng Philippine National Police (PNP) ang isang suspek sa brutal na pagpatay sa pari ng Nueva Ecija na si Fr. Richmond Nilo.

Kinilala ng pulisya ang nahuling suspek na si Adell Roll Milan sa Barangay Malapit, San Isidro sa Nueva Ecija ganap na alas-6:30 ng gabi, kamakalawa, ayon sa ulat ng DZMM.

Pinatay si Nilo ng riding-in-tandem malapit sa altar ng kapilya ng Barangay Mayamot sa bayan ng Zaragosa sa Nueva Ecija ganap na alas-6 ng gabi noong Linggo.

Nagbibihis si Nilo, 40, sa likod ng altar bilang paghahanda para sa misa nang binaril siya sa bintana ng kapilya.

Pangatlo na si Nilo na pinatau na pari at pangalawa sa Nueva Ecija sa nakalipas na anim na buwan.

Pinatay si Fr. Mark Ventura, habang nagmimisa sa Gattaran, Cagayan noong Abril at si Fr. Marcelito Paez, na pinatay matapos tumulong sa pagpapalaya sa isang political prisoner sa Jaen, Nueva Ecija noong Disyembre.

Read more...