Alaska Aces puntirya ang ikapitong diretsong panalo

Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. Meralco vs Blackwater
7 p.m. NLEX vs Alaska
Team Standings: Rain or Shine (7-1); Alaska (6-1); TNT (6-2); Meralco (5-2); Magnolia (4-4); GlobalPort (4-4); Columbian (4-5); San Miguel Beer (3-4); Phoenix (3-5); Barangay Ginebra (2-5); NLEX (2-6); Blackwater (1-8)

PUNTIRYA ng Alaska Aces na mapalawig pa ang pinakamahabang winning streak sa ginaganap na 2018 PBA Commissioner’s Cup ngayong gabi sa pagsagupa nito sa nanganganib mapatalsik na NLEX Road Warriors sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.

Maghaharap ang Alaska at NLEX ganap na alas-7 ng gabi pagkatapos ng laro sa pagitan ng Meralco Bolts at Blackwater Elite na mag-uumpisa naman ganap na alas-4:30 ng hapon.

Bitbit ng Aces ang anim na sunod na panalo papasok sa larong ito at kung maihihila pa nila ito sa pito ay tatabla rin ang Alaska sa Rain or Shine Elasto Painters para sa unang puwesto sa kartadang 7-1.

Tinalo ng Bolts sa huli nitong laro ang Phoenix Fuelmasters, 103-100, upang manatili sa ikaapat na puwesto sa 5-2 panalo-talong kartada habang napanatili nito ang tsansa na maagaw ang isa sa dalawang silya na awtomatiko sa semifinals.

Napakaliit naman ang tsansa ng Blackwater na makatuntong sa kailangang walong koponan na papasok sa quarterfinals sa bitbit nitong 1-8 panalo-talong kartada bagaman nais nitong maipakita ang kalidad at gamitin ang mga natitira nitong laro sa pagtala ng panalo para sa susunod na kumperensiya.

Tanging pag-asa na lamang ng Elite ay ipanalo ang huli nitong dalawang laro habang mabigo ang apat na iba pang koponan sa unahan nitong kartada upang makapuwersa ng playoff para sa ikawalo at huling silya sa quarterfinals.

Ganito rin ang hangarin ng Road Warriors na nahulog sa ika-11 puwesto sa bitbit na 2-6 panalo-talong record at pilit puputulin ang dalawang sunod na kabiguan sa pagsagupa nito sa Aces na asam makisalo sa unahang puwesto sa paghahangad sa ikapitong sunod na panalo sa loob ng walong laro.

Kinuha ng problemadong Road Warriors ang serbisyo ng Cebuano guard na si Mark Tallo kamakalawa para punan ang backcourt nito sa pagkawala ni Kevin Alas na patuloy na nagpapagaling sa ACL gayundin ni Kiefer Ravena na sinuspindi ng internasyonal na organisasyon matapos magpositibo sa banned substances.

Inaasahang agad na masasabak ang 6-foot-1 point guard at unang pinili bilang ikasiyam na manlalaro sa ginanap na 2017 PBA Rookie Draft ng TNT KaTropa na si Tallo para sa Road Warriors na kailangang ipanalo ang lahat ng natitirang laro kabilang ang makakaharap nito na Aces.

Nahaharap sa matinding laban ang Road Warriors sa pagsagupa nito sa Aces na sapul makatikim ng kabiguan sa una nitong laro kontra Rain or Shine ay nagtala ng anim na sunod na panalo upang masolo ang ikalawang puwesto at tsansang masungkit ang isa sa dalawang silya sa semifinals.

Tampok ang patuloy na magandang laro ni Vic Manuel ay tinalo ng Aces sa huli nitong laro ang Magnolia Hotshots upang agad na selyuhan ang silya sa playoffs.

Itinala ng 6-foot-4 na si Manuel ang 17 sa kanyang bagong PBA career-high na 35 puntos sa huling yugto upang bitbitin ang Aces sa panalo kahit wala ang sinuspindi mismo ng koponan na si Calvin Abueva at ang nagpapagaling na si Jeron Teng na nasangkot sa pananaksak sa Bonifacio Global City.

Read more...