ANG paglabas sa kanilang loveteam ni Maine Mendoza ang pinakamagandang aksiyon na ginawa ng GMA 7 para kay Alden Richards. Homegrown talent nila ang Pambansang Bae kaya isumpa man ng mga miyembro ng AlDub Nation ang network ay hindi na nila ‘yun pinapansin.
Napakarami kasing reklamo ng mga tagasuporta ng loveteam, hindi raw parehas ang pagtingin ng GMA 7 kina Alden at Maine, mas inaalagaan daw ng istasyon ang Pambansang Bae.
Natural! Sa sinapupunan ng network nagmula si Alden, ang istasyon ang nagpanganak sa sikat na aktor, samantalang si Maine naman ay hindi. Malaki talaga ang diperensiya dahil hindi naman talent ng network si Maine.
Siyempre’y si Alden ang kailangan nilang asikasuhin, ang bigyan ng mga markadong projects, dahil sa kanila nagsimula at nakilala si Alden. Bakit kailangang kuwestiyunin ‘yun ng mga fans ni Maine?
Sa totoo lang, hindi na namin nararamdaman ngayon ang init ng pagsuporta ng mga kababayan natin sa loveteam, ibang-iba na kesa sa dati ang kanilang dating.
Hindi na namin nakikita ang pagkasabik ng publiko sa AlDub, hindi na rin namin naririnig at nararamdaman ang mga kilig, kaya panahon na talaga para lumabas sa kanilang tambalan si Alden Richards.
Sino pa ngayon ang makapagyayabang sa pagsasabi na kapag nawala si Maine ay pupulutin sa kangkungan ang karera ng Pambansang Bae?