PH must win vs Canada, Russia sa FIBA 3×3 World Cup


Mga Laro Ngayon ng Pilipinas
4:30 p.m. Canada vs PH
7 p.m. PH vs Russia

HAHARAPIN ng Pilipinas ang pinakamatinding hamon ngayon sa pakikipagkita sa powerhouse na world No. 14 Canada at ranked No. 3 Russia sa huli nitong dalawang laro na magdedetermina kung uusad ito sa susunod na labanan ng 2018 FIBA 3×3 World Cup na isinasagawa sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Nagkasya lamang sa 1-1 panalo-talong kartada ang koponan nina RR Pogoy, Stanley Pringle Jr., Jeth Troy Rosario at Christian Standhardinger matapos unang magwagi sa ranked No. 6 Brazil, 15-7, subalit nabigo sa ikalawa nitong laro kontra ranked No. 11 Mongolia, 17-21.

Unang sasagupain ng Pilipinas ang nangunguna sa kanilang grupo at walang talo na Canada tampok ang sharpshooter na si Steve Sir na itinala ang pinakamataas na puntos sa ikalawang araw ng torneo na 21 puntos.
Kasama sina Jermain Bucknor, Michael Lieffers at Michael Linglater ay tinalo ng Canada ang Mongolia, 21-15, bago naghabol at inagaw ang panalo kontra Russia, 20-17.

Tanging ang unang dalawang koponan kada grupo lamang ang uusad sa susunod na labanan habang maiiwan ang huling dalawa para lumaban sa magdedetermina ng kakapitang ranking sa torneo.

Hindi napigilan ng ranked No. 19 sa torneo na Pilipinas ang outside shooting ng Mongolia sa pinakahuling laro Sabado ng gabi upang magkasya sa 1-1 karta at puwersadong magwagi sa natitirang dalawang laro upang makasiguro na makakatuntong sa susunod na labanan sa quarterfinals.

Read more...