Agad ikinasawi nina Gregor, 1; Alejandro Jr., 5; at Jhonrenz Melebo, 14; ang pinsala sa kanilang mga leeg, sabi ni Supt. Joem Malong, tagapagsalita ng Western Visayas regional police.
“Nakaligtas ang isa nilang kapatid na babae at siya ang nagsumbong sa mga kapitbahay,” sabi naman ni Insp. Charmae de Paz, tagapagsalita ng Negros Occidental provincial police.
Naaresto na ang 21-anyos na suspek na si John Mark Melebo, Linggo ng umaga, pero di pa nakapagsusumite ng pormal na ulat ang lokal na pulisya, aniya.
Naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng tanghali, sa Sitio Upper Palala, Brgy. Marcelo.
Pinaggigilitan ni John Mark ang mga nakababatang kapatid gamit ang isang patalim na kung tawagi’y “plamingko,” ani Malong.
Lumabas sa imbestigasyon na kararating lang ng suspek sa kanilang bahay matapos magtrabaho sa bukid, at nagalit dahil nabigo ang mga kapatid na ipaghanda siya ng kakainin, anang tagapagsalita ng regional police.
Matapos ang pananaga’y tumakas ang suspek na, ayon sa mga kapitbahay, ay mayroon ding sakit sa pag-iisip, sabi naman ni De Paz.