Pagbibisikleta mas mainam na ehersisyo

KAMAKAILAN lang ay idinaos ang World Bicycle Day na inorganisa ng United Nations para ipagdiwang ang pagbibisikleta bilang isang simple, abot-kaya, maaasahan, malinis at akma sa kapaligiran na sasakyan na may hatid na benepisyo sa kalusugan.

Kaya nga kung isa ka sa gumagamit ng bisikleta bilang ehersisyo, alam mo ang hatid nitong benepisyo sa iyong katawan.

Narito ang ilang impormasyon mula sa bagong pananaliksik na dapat mong malaman na nagpapakita na mainam na gamitin ang bisikleta para mapanatili ang maayos na kalusugan.

Pang good-vibe, pantanggal ng stress

Ayon sa isang pag-aaral sa Canada, nabatid na mainam ang pagbibisikleta patungo ng trabaho dahil nakakatulong ito sa pagkakarooon ng magandang mood at mababang lebel ng stress.
Hindi man akma sa Pilipinas ang magpunta ng trabaho na gamit ang bike (maliban na lamang kung malapit lamang ito), malaking tulong ang bisikleta sa pageehersisyo dahil sa positibong epekto nito. Karamihan sa nagbibisiklete ay may mas magandang araw at ganada sa trabaho.

Mas mababang peligro sa heart disease

Sa isang pananaliksik sa United Kingdom, nabatid din na ang pagbisikleta at paglalakad papunta ng trabaho ay nakatutulong para mabawasan ang panganib ng pagkakaroon o pagkamatay buhat sa cardiovascular disease (CVD) o stroke.

Sa isang malaking pag-aaral na tumingin sa mahigit 350,000 kalahok ay nalaman na ang mga regular commuter na gumagamit ng mas aktibong paraan ng pagbiyahe tulad ng pagbibisikleta ay may 11 porsiyento na mababa ang peligro na magkaroon ng CVD at 30 porsiyento na mababa ang peligro buhat sa nakamamatay na CVD.

Ang mga regular commuter na nagbibisikleta sa kanilang spare time ay may 43 porsiyento na mababa ang peligro sa nakamamatay na CVD. Maging ang hindi mga regular commuter subalit kadalasang nagbibisikleta ay nakakakuha rin ng benepisyo kung saan nagpapakita ito ng 8 porsiyento na mababa ang peligro sa lahat ng nakakamamatay na CVD.

Nakakabawas sa panganib ng type 2 diabetes

May malaking pag-aaral na isinagawa ng University of Southern Denmark na nalaman na ang pagbibisikleta ay nakakatulong para mabawasan ang peligro ng type 2 diabetes.

Matapos na tingnan ang 24,623 kalalakihan at 27,890 kababaihan, nabatid ng mga mananaliksik na ang mga nagbibisikleta ng madalas ay mababa ang posibilidad na magkaroon ng type 2 diabetes at kung palagi silang nagbibisikleta kada linggo ay mas mababa ang peligro na magkaroon sila nito.

Pampababa ng timbang

Isa pinaka epektibong paraan ng ehersisyo para mapanatili ang magandang hubog ng katawan at mabawasan ang timbang ay ang pagbibisikleta. May mga pag-aaral din ang nagsasabi na higit na epektibo ito kaysa sa paglalakad.

Ang mga nagbibisikleta papunta ng trabaho ay may mababang BMI kumpara sa mga naglalakad, nagmamaneho o sumasakay sa mga pampublikong transportasyon at may mababang lebel ng body fat kumpara sa mga gumagamit ng pampublikong transportasyon o kotse.

Healthy sexual life

May dalawang magkahiwalay na pag-aaral na lumabas ngayong taon na nalaman na ang pagbibisikleta ay hindi nakakaapekto sa sexual o urinary health ng isang lalaki o ang gynecological health ng isang babae.

Ang unang pag-aaral, na isinagawa ng University of California, ay nabatid na ang sexual at urinary health ng mga lalaking siklista ay hindi masama kumpara sa mga swimmers o runners bagamat ang pag-aadjust ng handlebar ng mas mataas o maging ng saddle ay nagpapababa ng tsansang magkaroon ng genital numbness at saddle sores.

Ang mga babaeng siklita ay mas mataas ang panganib ng genital numbness at saddle sores kaysa sa mga non-cyclists at may mas mataas na peligro sa urinary tract infection subalit hindi naman masama ang kanilang sexual o urinary function. Ang mga high-intensity cyclist ay nakakakuha rin ng benepisyo ng mas mabuting sexual function.

Read more...