Milagro magsasalba sa bibitaying Pinay

 

UMAPELA ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko na maglaan ng dasal kapag dumalo sila sa misa sa Linggo upang maipagpaliban ang pagbitay sa isang Pilipina sa China.

Naniniwala ang mga pari na milagro na lamang ang makapagsasalba sa Pinay na nahulihan ng ilang kilo ng heroin noong 2011.

Samantala, sinabi kahapon ng Palasyo na wala pang desisyon si Pangulong Aquino kung ipadadala si Vice President Jejomar Binay upang personal na iapela ang bitay.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte,hindi pa batid kung ano ang susunod na magiging kautusan ni Aquino matapos itong sumulat sa China para maisalba ang buhay ng ating kababayan.

Sinabi ng opisyal na ipinadala na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang sulat ni Aquino sa Chinese Embassy na siya namang magpapadala ng sulat sa China.

Nauna nang kinumpirma ng DFA na nakatakdang bitayin ang 35-anyos na babae sa pagitan ng Hunyo 27 at Hulyo 2.

Dinakip ang Pinay sa Hangzhou International Airport noong Enero 2011 kasama ang isa pang Pinoy.

Nasentensyahan din ng kamataya nang kanyang kasama.

Read more...