Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Blackwater vs Rain or Shine
7 p.m. Meralco vs Phoenix
Team Standings: TNT (6-1); Rain or Shine (6-1); Alaska (5-1); Meralco (4-2); San Miguel Beer (3-3); Magnolia (3-3); Phoenix (3-3); GlobalPort (3-4); Columbian (3-5); NLEX (2-5); Barangay Ginebra (1-5); Blackwater Elite (1-7)
PILIT na susundan ng Blackwater Elite ang pagkakasungkit nito sa unang panalo sa pagsagupa sa Rain or Shine Elasto Painters habang maghaharap ang Meralco Bolts at Phoenix Fuelmasters sa 2018 PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Sasagupain ng Elite, na sariwa pa sa pagputol sa pitong sunod na kabiguan, ang Elasto Painters na nakatutok sa unang dalawang silya sa semifinals sa ganap na alas-4:30 ng hapon habang mahalagang panalo ang pag-aagawan ng Bolts at Fuelmasters sa tampok na laro dakong alas-7 ng gabi.
Sariwa pa ang Elite sa importanteng panalo kontra Magnolia Hotshots, 86-84, nitong Miyerkules na pumigil sa pitong sunod nitong kabiguan pati na sa maagang pagkakapatalsik sa torneo pati na sa ikalawa sa masaklap na kampanya sa liga sapul na mabigo ng 11-sunod sa 2015 Philippine Cup.
Isinalba ni import William Henry Walker sa maagang pagkakapatalsik ang Elite matapos makalusot para isalpak ang isang dunk sa huling apat na segundo upang buhayin ang tsansa nitong makaagaw ng silya sa susunod na labanan sakaling magwagi sa natitira nitong mga laro kabilang ang laban kontra Elasto Painters.
“Little by little, we are improving as a team. I just told my players to just continue to pound the rock, mabibiyak din iyan at madurog kaya makukuha natin ang panalo. May positive na nangyari sa team at hopefully magtuloy,” sabi ni Blackwater coach Bong Ramos sa nalasap na pinakaunang panalo sa Elite sapul hawakan ito sa kalagitnaan ng liga.
Hindi nawawalan ng pag-asa ang Elite sa pagsagupa nito sa nagpapakita ng tibay na Elasto Painters na huli naman binigo ang Hotshots, 99-96, para sa ikatlong sunod nitong panalo at manatili sa pakikisalo sa liderato kasama ang TNT KaTropa na may 6-1 panalo-talong record.
Tanging ang Columbian Dyip, dating kilala bilang KIA Picanto, ang nakapagpalasap ng kabiguan sa Elasto Painters, 104-96, at ito ang pilit na susundan ng Elite.
Huli naman tinalo ng Meralco ang Barangay Ginebra Gin Kings, 93-82, upang pagandahin ang kartada nito sa 4-2 panalo-talong kartada habang nabigo sa huli nitong laban ang Fuelmasters kontra San Miguel Beermen, 94-106, upang mahulog sa 3-3 kartada.