Clamping at towing sa Makati

IlANG beses na rin nadale ng towing at tire clamping ang madaming kaibigan ko sa Makati.

Karamihan ay nasa tama ang mga traffic enforcers at palagi kong sinasabihan ang mga kaibigan ko na huwag na magreklamo at sumunod na lamang sa batas. Tama lang na maging mahigpit sa pagpapatupad ng batas sa lansangan upang makatulong maibsan ang masikip na daloy ng trapik.

At kung lagi na lamang okay lang kapag sumuway sa batas ay walang kahihinatnan ang effort na ayusin ang magulo nating lipunan.

Pero minsan, may mga bagay na dapat ginagamitan ng pagiisip kapag nagpapatupad ng batas.

Tulad na lamang ng karanasan natin nitong linggo sa paradahan ng Radyo Inquirer sa Pasong Tirad.

Tinapalan ng clamp ng mga taga-MARA ang sasakyan ko kahit na ito ay nakaparada nang maayos sa gilid ng kalsada.

Nagulat ang mga sikyu ng gusali dahil humingi naman sila ng ilang sandali upang tawagin ako sa radio booth para ayusin ang parada ko.

Ngayon, tama ang parada ko ng kotse dahil nakasampa naman nang maayos at lihis ako sa sidewalk. Sabi ng MARA nakaapak daw ito sa linya ng sidewalk.

Ang sinasabing apak ay walang one inch kung kayat nagtataka ako na hindi na lang ako tinawag upang ayusin ang parada ko ng one inch.

Mahigpit daw sila dahil utos ni Mayor Aby Binay. At nagbigay daw ito ng 2-minute warning dahil si MMDA ay may 5-minute warning. Minsan maiisip mo rin na alanganin sila mag-isip at gusto lang gumaya pero kailangan higitan yung ginaya nila.

Dahil yung 2-minute na palugit ay hindi palugit kundi pasabit.

Ayon sa batas ay sumunod ako dahil sabi ng mga naka-scooter na clamper ng MARA ay mali ako. Pero ng tanungin ko kung ano ang ordinansa na kanilang sinusunod at ano ang sinasaad na mga alituntunin nito, hindi nila alam.

Papaano ka magpapatupad ng batas kung hindi mo ito alam? Paano mo makakuha ang respeto ng tao kung ang sagot mo ay “basta stepping yan”, kung wala naman sa ordinansa yung katagang stepping.

Gusto ko sana magalit dun sa naka-scooter na clamper pero naalala ko yung sabi ng tatay ko: “Wag ka magalit sa mga ‘yan dahil kaya nga yan ang trabaho nila at hindi sila ang boss, magalit ka sa pinuno nila na hindi tama magpatakbo ng operasyon.”

At yan ang punto ko. Yung mga pinuno ng traffic bureau sa Makati, ayusin niyo naman ang patakbo ninyo para hindi nagmumukhang tanga at kawawa ang nga tauhan ninyo.

Kasi sila ang napapahamak at hindi kayo pag nagpapatupad sila ng ordinansa na mali ang interpretation na kayo sa taas ang gumawa.

Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...